SAN PEDRO, Laguna – Ipinagmalaki ni Vice President Jejomar C. Binay, itinuturing na pinakamatandang kandidato sa pagkapangulo sa edad na 73, na malakas pa siya sa kalabaw at kayang-kayang makipagsabayan sa tatlong buwang pangangampanya sa buong bansa.

Ito ang inihayag ni Binay matapos maging sentro ng usapan ang kalusugan ni presidential candidate Sen. Miriam Defensor-Santiago, 70, nang makita siyang inaakay habang bumababa ng eroplano sa kanyang pagdalo ng kanilang proclamation rally ng kanyang running mate na si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Batac, Ilocos Norte, kamakalawa.

Marami rin ang nakahalata sa pabugsu-bugsong panginginig ni Santiago habang nagtatalumpati sa harap ng libu-libong estudyante sa Batac City Plaza. Mariin namang itinanggi ng kampo ni Sen. Miriam na hindi maganda ang lagay ng kalusugan ng Senadora.

“Katatapos-tapos ko lang ng annual medical examination. Napakaganda, napakaganda ng aking annual medical examination,” pahayag ni Binay sa media.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

“Nais ko lang bigyang diin na maganda ang kalagayan ng aking kalusugan,” aniya. “Sabi pa nga ng doktor, baka gusto ko na naman ulit mag-badminton.”

Nagpakitang gilas din ang bise president nang magsagawa ng mini jumping jack sa harap ng mga mamamahayag.

Kung mayroon man siyang iniinda, aminado si Binay na nakararanas siya ng hyper acidity kaya siya ay inabisuhan ng mga doktor na bawasan ang maaasim na pagkain.

Dati nang pinutakte si Binay, na nagsilbing alkalde ng Makati City ng mahabang panahon, na mayroon itong seryosong karamdaman tulad ng diabetes, lupus at maging cancer.

Ilang ulit na ring sinabi ni Binay na ang mga ito ay pawang tsismis at paninira lamang laban sa kanya.

(ELLSON A. QUISMORIO)