Nagsampa ng motion for reconsideration sa Office of the Ombudsman si Quezon City Treasurer Edgar Villanueva matapos ipag-utos ng ahensiya ang pagsibak sa kanya sa serbisyo dahil sa kasong administratibo kaugnay ng reklamo ng Manila Seedlings Bank Foundation, Incorporated (MSBFI) noong 2012.

Sa kanyang mosyon, itinanggi ni Villanueva na “umabuso siya sa kapangyarihan” nang ipasubasta niya ang pitong-ektaryang lupain ng National Housing Authority (NHA) noong Hulyo 7, 2011.

Iginiit din niya sa anti-graft agency na mayroon siyang ipinalabas na “notice of assessment” na nakapaloob na sa tax declaration na inilabas noong Mayo 2, 2011.

Sinabi din ni Villanueva na “nagkamali ang Office of the Ombudsman” dahil kumpleto ang kanyang papeles na nagsusuporta sa pagsubasta sa nasabing lupain.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Aniya, hindi siya binigyan ng sapat na pagkakataon ng Ombudsman upang ipaliwanag ang kanyang panig sa usapin.

Nag-ugat ang usapin nang magharap ng reklamo ang MSBFI laban kay Villanueva dahil umano sa “panggigipit nito at pang-aabuso sa tungkulin.”

Ang naturang lupain ay ipinapagamit lamang ng NHA sa MSBFI sa bisa ng Presidential Proclamation 1670.

Sa nasabing desisyon, binanggit ng Ombudsman na “walang sinuman ang may karapatan, kahit pa ang otoridad, na gipitin at puwersahang kuhanin ang ari-arian nang walang tamang proseso ng batas.” (Rommel P. Tabbad)