HITIK sa aral ang kasaysayan ng ating Inang-Bayan. Mismo ang terminong “kasaysayan” ay kakaiba sa iniliwat nitong salita na “history” sa banyagang antas ng pang-unawa. Sa kanluraning depinisyon, ang history ay kuwento ng nakaraan.

Habang sa Pilipino, ito ay may dalawang konsepto at ito ay: salaysay – talaan ng mga naganap noon; at saysay – ang kahalagahan ng mga pangyayari. Ibig sabihin, higit (dapat) na mas malalim ang ating antas ng pang-unawa at atasing isabuhay ang pinag-iingatang yaman ng bansa upang hindi makalimot sa pinagmulan. At bawat henerasyon na iniluluwal, makaiwas matisod dahil sa aral na nakapaloob.

Ang isang bayan at pinuno na bubot sa pinag-uugatan ng ating Republika, siguradong magsisilid sa atin sa kapahamakan. Kapag purol tayo sa dunong hinggil sa mga aral ng tinubuang lupa, mapaparaya na lang sa kahit sinong sikat na Pontio Pilato kahit dalhin na ang bansa sa bangin. Sa mga nakalipas na kolum ng inyong lingkod, magugunita, isa ako sa hindi sumuporta kay Cory Aquino noon bagkus nilaban ng pitpitan si Ninoy Aquino at Doy Laurel. Si Cory bistado ko agad na maling ilakip ang kinabukasan ng Pilipinas sa nagbabalakat-kayong lider ng demokrasya na aminadong walang kakayahan. Naging tumpak ang aking hukom.

Nagdeklara siya ng Revolutionary Government, winasiwas ang Batasan Pambansa, Comelec, mga halal sa lokal na pamahalaan, maging ang 70,000 kawani ng gobyerno, sumulat ng palpak na Konstitusyon at iba pa. Ang palusot, dahil nagka-Edsa daw! Kung kasaysayan ang pagbabasehan, and’yan si Presidente Sergio Osmeña Sr. na bumalik sa Pilipinas pagkatapos ng giyera – hindi nagdeklara ng Martila Law, ng Revolutionary Government, o nagsulat ng bagong Saligang Batas, kundi ipinagpatuloy lang ang napatid na Republika nang mapatalsik ang mananakop na Hapon at iba pa.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa panahon ni PNoy, amoy ko ang kakulangan nito sa talento at kakayahan. Ang kanyang “Tuwid na Daan” nagmistulang paghihiganti at kawalan ng kapatawaran. Natuto sana siya kay Presidente Elpidio Quirino. May nagbabadyang panganib sa 2016, at nasisipat ko muli. Ang lagim ng “Federalismo”. Magugunita na ang trahedya ni Bonifacio at Luna kontra sa naggagayak noon na “probinsyalismo” o pagkakanya-kanya halimbawa, taga-ilog kontra Caviteño, o Macabebe at iba pa.

(Erik Espina)