SA pagtimbang ng plataporma ng mga kandidato sa pagkapangulo, wala akong maituturing na totohanang naninindigan laban sa Contractualization Law. Maaaring ito ay pahapyaw na tinututulan ng mga aspirante sa panguluhan, kabilang na ang iba pang kandidato sa Kongreso, subalit malabnaw ang kanilang paninindigan. Ibig sabihin, hindi nila tahasang sinasabi na ang naturang batas ay kailangang ipawalang-bisa; o kaya ay susugan upang hindi ito manatiling kalbaryo ng mga manggagawa.

Maaaring makasarili ang aking pananaw, ngunit si Congressman Roy Señeres lamang ang natitiyak kong may matapat na hangarin upang labanan ang nabanggit na batas na matagal nang nagpapahirap sa ilang sektor ng labor force. Ito ang kanyang matatag na determinasyon hanggang sa kanyang kamatayan, kamakalawa, dahil sa heart attack. Ipinaglalaban niya ang kapakanan ng maliliit na manggagawa simula pa noong siya ay isang Ambassador, Chairman ng National Labor Relations Commission (NLRC) at kinatawan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kongreso. Ang makatao at makatarungang msiyong ito ang nagbunsod sa kanya upang kumandidato bilang presidente. Sayang at siya ay maagang pumanaw. Sana, ang paglipol sa nabanggit na batas ay naging makatuturang pamana sa bayan.

Ang Contractualization Law ang nangangalaga sa businessmen, lalo na yaong may masasakim na paraan sa pagnenegosyo. Hindi nila pinalalampas ng anim na buwan ang kontrata ng tinatanggap nilang mga tauhan; agad nila itong pinuputol upang makakuha naman ng panibagong kawani. Ito ang nakagawian nilang estratehiya upang hindi maging regular ang kanilang mga empleyado. Sa gayon, makaiiwas din sila sa pagbabayad ng mga benepisyo na nakaukol sa mga regular employees, bilang pagtalima sa itinatadhana ng Labor Law.

Ang kasumpa-sumpang Contractualization Law ay hindi matututulan ng ibang presidential bets. Sa aking pananaw, magbubulag-bulagan sila sa pananamantala ng ilang dambuhalang negosyante na tumutustos sa gastos ng mga pulitiko.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Masyadong magastos ang halalan at mapaghangad ang mga botante.

Ang paglaban sa Contractualization Law ay naging pamana sana ni Señeres sa sambayanang Pilipino, lalo na sa mga inaaping manggagawa. Isang pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay, Roy. Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa.

(CELO LAGMAY)