Sinalakay ng pulisya ang isang tindahan ng bulaklak sa Binondo sa Maynila, sinasabing bagsakan ng ilegal na droga, at nakumpiska ng mga awtoridad ang mahigit P15 milyong halaga ng shabu.
Arestado rin sa operasyon si Karen Mae Tan, 37, may-ari ng Epitome Flower Shop na matatagpuan sa Pacific Centre Room 809-B, Quintin Paredes St., at kanyang mga kasamahan na sina Bernadette Tagle, 43; Aina Marquez, 28; Arman Okba, 41; at tatlong iba pa.
Bagamat kumpleto sa business permit ang naturang flower shop, ipinagtataka ng mga pulis kung bakit walang itinitindang bulaklak sa naturang establisimiyento.
Dahil dito, ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO), NCR-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at Manila Police District (MPD), ang drug bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng pitong suspek dakong 4:45 ng hapon nitong Martes.
Isinagawa ang pagsalakay sa kasagsagan ng proclamation rally nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Grace Poe sa Tondo at Quiapo.
Mahigit umano sa tatlong kilo ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba mula sa mga naaarestong suspek.
(Jenny F. Manongdo)