Gordon Hayward
Gordon Hayward (AP)

Utah Jazz, nakalusot sa Mavs sa buzzer

DALLAS — Pilipit man ang porma, nagawang maisalpak ni Gordon Hayward ng Utah Jazz ang fadeaway jumper sa buzzer para maitakas ang 121-119 panalo sa overtime kontra Maverick nitong Martes ng gabi (Miyerkules sa Manila).

Naipuwersa ng Jazz ang extra time sa 3-pointer ni Rodney Hood may 1.5 segundo ang nalalabi sa regulation tungo sa ikapitong sunod na panalo at tuldukan ang 10-game losing streak sa Dallas. Huling nanalo ang jazz sa homecourt ng Mavs noong Enero 9, 2010.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Tumapos si Hood na may 29 na puntos, habang kumubra si Hayward ng 20 puntos, tampok ang 13 sa second half at overtime.

Nanguna sa Mavs si Chandler Parsons sa naibuslong 24 na puntos, ngunit sumablay siya sa kanyang 3-pointer na nagbigay sana ng bentahe sa Dallas may 24 segundo sa ikalawang sunod na overtime game na sinuungan ng koponan.

BUCKS 112, CELTICS 111

Sa Milwaukee, humalik ang suwerte sa Bucks nang bigyan ng free throw si Khris Middleton mula sa foul ni Avery Bradley may 0.6 segundo sa laro para sandigan ang krusyal na panalo laban sa Boston Celtics.

Naibuslo ni Middleton ang isang free throw na nagsilbing bentahe sa Bucks.

Nauna rito, naitabla ng Boston ang iskor sa 111 mula sa free throw ni Kelly Olynyk may isang segundo ang natitira sa orasan. Umabante ang Bucks sa 111-109 mula sa buzzer-beating hook shot ni Greg Monroe.

Nanguna si Monroe na may 29 na puntos at 12 rebound sa Bucks, tinapos ang five-game losing streak, habang kumubra si Middleton ng 20 puntos at may naiskor na 16 puntos si Michael Carter-Williams.

Hataw sa Boston sina Crowder at Bradley na may tig-18 puntos.

SPURS 119, HEAT 101

Sa Miami, ginapi ng San Antonio Spurs, sa pangunguna ni LaMarcus Aldridge na humugot ng 28 puntos, ang nanlamig na Heat.

Nag-ambag si Kawhi Leonard ng 23 puntos, habang kumana si Danny Green ng 15 puntos para sa ikalimang sunod na panalo ng Spurs.

Kumubra ng 20 puntos mula sa 9 for 12 shooting si Dwyane Wade para sa Heat, sumadsad sa ikalawang sunod na kabiguan bago ang All-Star break. Nagtumpok naman ng 18 puntos si Chris Bosh at humirit si Hassan Whiteside ng 14 na puntos at 6 na rebound.

WIZARDS 111, KNICKS 108

Sa New York, natikman ng bagong itinalagang coach na si Kurt Rambis ang unang kabiguan para sa kampo ng Knicks matapos silang pabagsakin ng Washington Wizards.

Nanguna si John Wall sa Wizards na may 28 puntos at 17 assist, habang nag-ambag si Bradley Beal ng 26 na puntos.

Tumipa si Carmelo Anthony ng 33 puntos at 13 rebound para sa Knicks na pinatalsik ang dating coach na si Derek Fisher sa kagustuhang mapabago ang kasalukuyang sitwasyon.

Nag-ambag si rookie Kristaps Porzingis ng 20 puntos.