MARAHIL ang pinakanakaaawang nilalang ngayon ay ang mga driver ng pampasaherong jeep.
Bukod sa napakababa ng pasahe, madalas na naiipit sila sa matinding trapiko, lantad sa usok at alikabok, at ngayon, marami sa kanilang hanay ang malapit nang mawalan ng hanapbuhay.
Ilang linggo na rin silang nagsasagawa ng kilos-protesta laban sa ikinasang old jeepney phase-out ng gobyerno subalit hindi sila napapansin. Katok nang katok sa pintuan ng gobyerno subalit walang sumasagot.
Sa dami ng malalaking isyu na araw-araw na namamayagpag sa headline ng mga diyaryo, hindi na makaporma ang kanilang pagpapapansin kaya ayan, maski paulit-ulit silang nangangalampag ay ‘tila walang nakapapansin.
Dating itinuring na mga “hari ng kalsada”, inaapi-api na lang ngayon ang mga jeepney driver.
Pilit na binubuhay ng ilang sektor ang naturang sasakyan na simulang namayagpag sa bansa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaidig.
Mula sa ating mga lolo, hanggang sa ating mga anak at apo, nakikita pa nilang humihinga ang jeep na dinala dito ng mga Amerikano bilang pangunahing transport vehicle noong panahon ng giyera.
And’yan ang “Jumbo Jeep,” “Limo Jeep,” “Double Decker,” at iba pa. Sari-saring disenyo, iba’t ibang laki.
Subalit kapansin-pansin na dahan-dahan nang nababawasan ang palamuti ng mga jeep.
Halos wala na rin ang maiingay na sound system na gumigising sa mga inaatok na pasahero tuwing umaga.
Wala na halos ang mahahabang antenna, na tinatawag nilang “bull whip,” sa harapan ng mga jeep, na nagmimistulang “hipon” ito na may mga paa tuwing umaarangkada.
Dati rin itong nangingintab dahil sa dami ng stainless part sa kaha na laging malinis. Kapag naipit sa trapiko, sa mga stainless trimming ng jeep nagsasalamin ang “takatak boys”; kung hindi nagsusuklay ay nagtitiris ang tagihawat.
Unti-unti na ring nawawala ang magagarang body paint na ‘tila mga mamahaling “mural” sa gilid ng mga ito na dating kinagigiliwan ng mga motorista.
Ngayon, mabibilang mo sa kamay ang mga jeep na mayroon pa ring malikhaing imahe na naglalarawan ng makulay na buhay ng mga Pinoy, sa hirap man o ginhawa.
Kaawa-awang jeepney! Nais burahin sa mundo dahil sa isyu ng kalikasan. Pinipilit na mapalitan ng de-kuryenteng makina subalit namamahalan sa gastusin ang mga operator.
Kung ito ay isang tao, marahil isa na itong “terminal case” dahil sa cancer.
Makukuha pa kaya ito sa dasal? (ARIS R. ILAGAN)