HINDI pa rin humuhupa ang pambabatikos sa pagbili ng Philippine National Police (PNP) ng 1,470 unit ng Mahindra Enforcer 4x2 patrol jeep, na karamihan ay naipamahagi sa mga lokal na pulisya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa PNP, ang kontrata sa Mahindra single cab patrol jeep ay isinalang sa bidding noong Enero 2-15 ng Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS).
Sinabayan pa umano ang Mahindra, na produkto ng Columbian AutoCar Corporation (CAC), ng mga kahalintulad ng unit na gawa ng Toyota, Mitsubishi, Isuzu, at Ford sa ginanap na pre-bidding conference noong Enero 21, 2015.
Lumitaw sa datos ng PNP na ang opening at evaluation of bid ay isinagawa noong Pebrero 5, 2015, na ang pagbili ng mga patrol jeep ay hinati sa apat na lote na nakopo ng CAC bilang single lowest calculated bidder.
Subalit inihayag ng Toyota Quezon Avenue na maghahain ito ng motion for reconsideration para sa Lot 1 na roon ito nakibahagi.
Pebrero 26, 2015 naman isinagawa ang opening of bids para sa Toyota Quezon Avenue para sa Lot 1 matapos paboran ng DBM-PS ang inihaing motion for reconsideration ng naturang car dealership.
Dito naghain ng bid ang Toyota ng P950,000 sa kada unit habang ang CAC ay P840,000 sa kada patrol jeep.
Ayon sa record ng PNP, nagsumite rin ang Mahindra ng P880,000 kada unit para sa Lot 2, P920,000 para sa Lot 3, at P920,000 kada unit para sa Lot 4.
Lumitaw din na natugunan ng prototype sample ng CAC ang requirements sa final deliberation ng DBM-PS.
Ito ay matapos isalang ang Mahindra Enforcer sa functional at endurance test bilang patunay na ito ay tumtugon sa specification na inilatag ng PNP.
Noong Marso 16, 2015 ay idineklara ang CAC bilang Single Calculated Responsive Bid (SCRB).
Dahil dito, sinunod ng PNP at DBM-PS ang Republic Act 9184 na nag-aatas sa gobyerno na pumili ng sasakyan para sa pulisya na may pinakamababang presyo.
Kilala rin bilang Government Procurement Reform Act, ipinagbabawal sa RA 9184 ang pagpabor sa isang partikular na brand.
Sa pamamagitan ng pagpabor sa may pinakamababang presyo tulad ng Mahindra, nakatipid ang gobyerno ng halos P100 milyon kaya nakabili pa ang PNP ng karagdagang patrol jeep.
Naniniwala ang PNP na patas at walang bahid ng anomalya ang pagbili ng Mahindra patrol jeep, na pinangasiwaan mismo ng DBM-PS. (ARIS R. ILAGAN)