ateneo copy

Naitala ng Adamson University ang unang upset sa kasalukuyan matapos magapi ang defending men’s champion Ateneo de Manila sa pahirapang 25-19, 17-25, 23-25, 26-24, 15-13 panalo, kahapon sa 78th UAAP men’s volleyball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.

Matapos madomina sa ikalawa at ikatlong set, nagpakatatag ang Falcons sa krusyal na fourth-set para maipuwersa ang hangganan sa kahanga-hangang laro na tumagal nang mahigit sa dalawang oras.

Dumadagundong sa hiyawan ng mga tagasuporta ang Arena at lahat ay tumatahip sa paghinga bunsod nang palitan ng pag-iskor at bentahe sa deciding fifth set.

Human-Interest

Traditional jeepney, mas maayos pa ring sakyan daw kaysa sa modern jeepney

Sa huli, umayon ang kapalaran sa Adamson para makuha ang huling dalawang puntos at ang pinakamalaking panalo sa kasalukuyang season.

Nanguna sa Falcons si Dave Pletado na may 17 puntos, tampok ang 12 kills, habang nag-ambag sina Michael Sudaria at Bryan Saraza ng tig-10 puntos.

Nakolekta naman ni reigning MVP Marck Espejo ang game-high 27 puntos para sa Ateneo.

Bunsod ng panalo, magkakasama sa ikalawang puwesto sa standings ang Ateneo, Adamson at Far Eastern University, nagwagi sa University of the East, 25-18, 25-22, 25-21, na pawang may 2-1 karta.

Ang National University (2-0) na lamang ang koponang hindi pa natatalo habang ang UE naman ay bumagsak sa ikatlong sunod na talo. (MARIVIC AWITAN)