PASADO na umano sa Kamara ang “Bill of Rights of Taxi Passengers” na inisponsor ni Nationalist Peoples Coalition (NPC) Rep. Win Gatchalian. Teka, ano na naman bang klaseng hayop ito?

Sa ilalim umano ng panukalang ito, ang mga taxi drivers ay dapat na maging magalang, maayos ang pananamit, at may nakasabit na ID sa taxi upang makilala ng kanyang pasahero kung sakaling magkaroon ng problema. Nakasaad din sa naturang batas na dapat ihatid ang pasahero sa patutunguhan nito gaano man kalayo at kahit na masikip ang daloy ng trapiko.

Sa ilalim din nito, dapat ikuha ng panibagong taxi ang pasahero kung sakaling masiraan ang taxi na kanyang sinasakyan.

At ang magiging parusa sa susuway na taxi driver, mumultahan ng isang P1,000 at pitong araw na suspensiyon ng lisensiya para sa unang paglabag; P3,000 at anim na buwang suspensiyon sa pangalawang paglabag; at P5,000 at isang taong suspensiyon ng lisensiya sa ikatlong paglabag. Sa biglang tingin, nakakatuwa at nakakainis ang bill na ito.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nakakatuwa sapagkat ang mga nasabing karampatang parusa ay napakasimple para iharap pa sa Kamara.

Ang ganitong klase ng paglabag ng mga taxi driver ay kayang-kaya nang aksiyunan ng mga pulis at sinumang may kapangyarihang sa trapiko. Napakasimple nito para isabatas pa samantalang nariyan naman ang LTO at LTFRB, mga traffic police, kung anu-ano pang unipormadong nakatalaga sa trapiko para isagawa ito.

Ang hirap sa bansang ito, lahat lamang ay kailangang maging batas. Sangkatutak na ang ating mga batas pero walang ipinatutupad at nagiging dahilan pa para mangotong.

Sandamakmak na ang mga batas natin. Kulang na lamang ay batas para ipagbawal ang bagyo, ang pagbaha at maging ang pangungulangot. Ang totoo, tanggalin man ang Kamara sa bansang ito ay puwede na sapagkat lahat na halos ng batas ay nagawa na. Wala na tuloy maisip na panukalang-batas ang karamihan sa ating mga kinatawan kaya ang karamihan ay hindi na nagsisidalo sa mga sesyon o kung dumalo man ay nagtsitsismisan na lamang o natutulog.

Bill of Rights of Taxi Passengers? Wala na kaya silang maisip na mas magagandang panukalang-batas? O, hanggang doon na lamang ang takbo ng kanilang utak? (ROD SALANDANAN)