NAKAKAKAMPANTENG isipin na nasa tamang schedule ang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa eleksiyon sa Mayo 9. Inihayag ng komisyon nitong Linggo na handa na ito para simulan ang pag-iimprenta ng mga balota, at ang dry run ay sa Lunes. Kaya nitong mag-imprenta ng halos isang milyong balota kada araw, kaya ang forms para sa 54.3 milyong botante sa bansa at 1.3 milyon sa ibayong dagat ay aabutin lamang ng 70 hanggang 80 araw para matapos. May 90 araw pa bago ang Mayo 9, kaya marami pang oras kung kinakailangang magkaroon ng adjustment.

Ang balota, kalahating pahaba ng isang coupon bond ang laki, ay maglalaman ng mga pangalan ng national candidates sa isang pahina—sa pagkapresidente, bise presidente, mga senador, at mga party-list group. Ang isang pahina naman ay depende sa siyudad o bayan, na ang laman ay mga pangalan ng kandidato sa pagkamayor at iba pang lokal na opisyal, gobernador at iba pang pamprobinsyang opisyal, at mambabatas ng distrito.

Sa unang pahina ng balota ang pangalan ng limang kandidato sa pagkapangulo. Kung ididiskuwalipika ng Korte Suprema si Sen. Grace Poe nang mas maaga, mapapalitan ang bilang na iyan. Inaasahang maagang ilalabas ng korte ang desisyon upang maiwasan ang kumplikasyon sa assessment ng resulta ng eleksyon.

Mukhang kaya ng Comelec ang lahat ng isyung may kinalaman sa darating na eleksiyon. Halos lahat ng imported election counting machines ay dumating na at susubukan na bago pa ang araw ng botohan. Higit sa lahat, siniguro ng Comelec na gagawin nito ang lahat upang masigurong maiuulat nang maayos ng mga nasabing makina ang resulta ng botohan.

Tinututukan din ng Comelec ang mga paglabag sa mga batas ng eleksiyon, lalo na ang sa campaign posters at haba ng advertising. Ngayong nagsimula na ang kampanya para sa national candidates, binabantayan ring mabuti ang gastusin sa kampanya. Maaaring madiskuwalipika ang nanalong kandidato dahil dito, gaya ng naranasan ng ibang gobernador.

Ilang buwan nang pinauulanan ang mga botante ng mga propaganda, at ang mga kandidato at kanilang mga tagasunod ay lagi nang nakikisakay sa mga bagong isyu at pangyayari. Dapat magkaroon ng mga common forum para magkakaroon sila ng pantay na pagkakataon upang ipakilala ang kanilang sarili, ipahayag ang kanilang mga opinyon at programa ng magiging gobyerno nila sakaling sila ay mahalal. Magdaraos naman nito ang Comelec, sa pakikipagtulungan ng malalaking media organization sa bansa.

Pipili tayo ng pinakamatataas nating opisyal sa Mayo 9 at dapat ay walang duda o hinala sa kanilang pagkapanalo. May tiwala tayo sa Commission on Elections, sa pangunguna ni Chairman Andres Bautista, na kaya nating magdaos ng malinis, tapat at tunay na kapani-paniwalang botohan.