Iimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang halos 600 lokal na opisyal ng gobyerno sa 13 rehiyon dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9003, o ang “Ecological Solid Waste Management Act of 2000”.

Sa 50 reklamo na inihain ni Romeo Hidalgo ng Ecowaste Coalition, sinabi nito na nabunyag sa mga field investigation na nilabag ng mga opisyal ang RA 9003 at ang implementing rules and regulations nito.

Iginiit ng mga nagrereklamo na nagsabwatan ang mga mayor, vice-mayor at mga miyembro ng Sanggunian, na may mandatong lumikha ng mga polisiya at may kontrol sa mga pondo ng lungsod, sa paglabag sa R.A. No. 9003 sa kanilang mga nasasakupan.

Sa ilalim ng RA No. 9003, walang open dump site na itatayo o pamamahalaan, o anumang pagtatapon ng basura ng sino mang tao, kabilang na ang mga lokal na pamahalaan, sa mga bukas na tambakan ng basura, ang pahihintulutan matapos magkabisa ang naturang batas, at ang lahat ng open dumpsite ay gagawing controlled dump.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Noong 2013, inilunsad ng Environmental Ombudsman program, katuwang ang Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR-EMB), ang tatlong taong pambansang kampanya upang palawakin ang kamalayan ng mamamayan, at isulong ang boluntaryong pagtupad sa RA No. 9003.

Sa ilalim ng programang ito, inatasan ang local government units (LGU) na magsagawa ng kani-kanilang self-assessment kaugnay sa kanilang compliance status at boluntaryong parusahan ang mga lumalabag dito.

Makalipas ang dalawang taon ng implementasyon, ipinakikita sa tracer results na ang RA No. 9003 ay nananatiling hindi pinaprayoridad na programa sa lokal na pamahalaan.

Nagsumite ang DENR-EMB sa Ombudsman ng listahan ng 350 LGU na paulit-ulit at hayagang lumalabag sa open dump site.

(JUN FABON)