Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, nang halos 900,000 indibiduwal sa huling yugto ng 2015, ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey results na inilabas nitong Pebrero 9, 2016.

Sa nationwide survey, isinagawa noong Disyembre 5 hanggang 8 sa 1,200 respondents, lumabas na 21.4 porsiyento o halos 9.1 milyong Pilipino ang walang trabaho sa huling quarter ng 2015, bumaba ng 23.7% o 10 milyong Pilipino sa sinundang quarter.

Dinala nito ang 2015 average rate ng mga walang trabaho sa 21.9%, mas mababa kaysa 2014 average na 25.4%.

Sinabi ng SWS na ito ang pinakamababang annual average sa loob ng 11 taon simula nang maitala ang 15.8% average noong 2004.

Internasyonal

Mga Pinoy na ilegal na naninirahan sa Amerika, binalaan ng PH Ambassador

Ang mga resulta ay unang inilathala sa BusinessWorld nitong Martes.

Upang higit na linawin ang joblessness o kawalan ng trabaho, sinabi ng SWS na ang mga nasa kategoryang ito ay ang mga indibiduwal na 18 anyos pataas, walang trabaho at naghahanap din ng mapapasukan.

Gayunman, ang mga walang trabaho na hindi naghahanap ng mapapasukan, gaya ng mga housewife at mga retiradong indibiduwal, ay hindi isinama sa kategoryang ito.

Lumalabas sa SWS survey na ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho ay halos binubuo ng mga adult na tumigil sa kanilang mga trabaho (9.6% o 4.1 milyong Pilipino), tinanggal (8% o 3.4 milyon), at first-time jobseekers (3.6% o 1.5 milyon).

Ang 8% ng mga sinibak ay binubuo ng 5.2% ng mga dating kinontrata na hindi na ni-renew, 1.6% ng mga inalis sa trabaho, at 1.3% na nagsara ang pinagtatrabahuan.

Bumaba rin ang antas ng mga lalaki at babaeng walang trabaho sa 13.8% at 31.4%, ayon sa pagkakasunod (mula 15.9% at 33.9%, ayon sa pagkakasunod).

Samantala, ang joblessness sa mga nasa edad mula 45 anyos ay tumaas ng 3.7% sa 15.3%.

Halos hindi nagbago ang joblessness sa mga may edad 35-44 anyos sa 22.2% mula sa 21.7% noong Setyembre.

Sa mga nasa edad 25-34, bumaba ito sa 25% mula 30.8%.

Sa mga nasa edad 18-24, 56.9% ang nagsabi na wala silang trabaho, tumaas ng 45.4% sa 51.1%.

Natuklasan din ng SWS na 45% ng mga Pilipino ay positibo na dadami ang magbubukas na trabaho sa loob ng 12 buwan.

(ELLALYN DE VERA)