Tony Parker, lalaro sa Manila Olympic qualifying.
PARIS (AP) — Masamang balita para sa Gilas Pilipinas.
Kinumpirma ni four-time NBA champion Tony Parker ng San Antonio Spurs na lalaro siya sa koponan ng France na sasabak sa Manila Olympic qualifying matapos payagan ng kanyang buntis na maybahay.
Naunang naipahayag ni Parker ang posibilidad na hindi makasama sa France sa pagsabak sa huling qualifying tournament para sa Rio Olympics na gaganapin sa MOA Arena sa Hulyo 4-10, dahil nais niyang masaksihan ang nakatakdang pagsilang sa ikalawang anak na lalaki sa katapusan ng Hulyo.
Bukod sa Gilas Pilipinas, kasama ng France sa Group B ang New Zealand, habang magkakasama sa Group A ang Turkey, Senegal at Canada.
Batay sa format, uusad sa cross-over semifinals ang mangungunang dalawang koponan mula sa magkabilang grupo para sa winner-take-all championship.
Sa panayam ng L’Equipe newspaper nitong Lunes (Martes sa Manila), tahasanang sinabi ni Parker na lalahok siya sa Manila qualifying tournament at sa Rio Olympics sakaling makalusot ang France.
“I will be at the Olympics if we qualify,” pahayag ni Parker, 2007 NBA Finals MVP ang 2013 Euro basketball MVP.
Nakamit ng France ang 2013 EuroBasket championship ng gapiin ang matikas na Lithuania, 80-66, kung saan nakapagtumpok siya ng 19 na puntos kada laro.
Ayon kay Parker, minabuti ng kanyang maybahay na magsakripisyo upang masamahan niya ang France team sa krusyal na Olympic qualifying sa Manila kung saan isang Olympic slot lang ang nakataya.
Ngunit, binalaan umano siya ng maybahay na huwag uuwi na hindi nakasabit sa kanyang leeg ang gintong medalya.
Nakatakda ang Olympic basketball tournament sa Rio de Janeiro sa Agosto 6-21.