Sa unang pagkakataon ng kanyang pagharap sa publiko matapos ang mahabang panahon, lumantad si Sen. Miriam Defensor Santiago sa unang araw ng kampanya para sa eleksiyon sa Mayo 9 kasama ang kanyang running mate na si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa malaking pagtitipon ng kanilang mga tagasuporta sa Batac City Plaza sa Ilocos Norte, kahapon.

Kilalang balwarte ng pamilya Marcos, ibinandera ni Santiago si Sen. Bongbong bilang isang “idealistic leader”na may kakayahang pamunuan ang bansa sa tapat at matinong paraan sakaling siya ay palarin na mahalal subalit hindi matapos ang kanyang termino.

Matatandaan na dating ininda ng 70-anyos na senadora ang Stage 4 lung cancer ngunit matapos ang mahigit isang taong hindi pagdalo sa mga sesyon sa Senado, nagbalik-trabaho siya at ideneklarang naka-survive sa naturang karamdaman.

Bagamat inaalalayan pa rin sa kanyang paglalakad, iginiit ng kampo ni Santiago na nakabawi na ito sa kanyang karamdaman.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Sa kanyang pangangampanya sa Batac, maraming nakahalata na nabawasan ang sigla at katarayan ng beteranong mambabatas habang nagtatalumpati sa harap ng libu-libong Ilokano, na karamihan ay estudyante.

Nagbabala rin si Santiago na kung siya ay mahahalal, titiyakin niyang makukulong ang lahat ng tiwaling opisyal ng gobyerno.

“May first class, business class, ordinary. Mamili sila pero kulong silang lahat,” pahayag ni Miriam na umani ng masigabong palakpakan.

Samantala, puntirya ni Sen. Bongbong ang “national unity” kapag siya ay maupo bilang susunod na bise presidente.

“Kaya dito ko sinisimulan ang aking kampanya dahil naipakita ng ating kababayang Ilokano ang pagkakaisa. Ang Solid North!” ayon sa anak ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. (MARIO CASAYURAN)