ANG huling pagkakataon na niyanig ng malakas na lindol ang Metro Manila ay noong 1968 nang isang lindol na may lakas na 7.3 magnitude ang nagpabagsak sa gusali ng Ruby Tower sa Binondo, Maynila, at 270 katao ang nasawi. Ang mas huli rito ay noong 1990 nang winasak ng 7.7 magnitude na lindol ang Baguio City at mga kalapit na lalawigan nito hanggang sa Nueva Ecija, at nasa 1,621 ang nasawi.
Binabalikan natin sa alaala ang mga mapaminsalang kalamidad na ito kasunod ng 6.4-magnitude ang lakas na lindol na yumanig sa katimugang lungsod ng Tainan sa Taiwan noong Sabado, na nagpaguho sa ilang gusali kaya naman nagmistulang pancake, gaya ng sinapit ng Ruby Tower halos 50 taon na ang nakalilipas, at marami ang na-trap sa gumuhong gusali.
Nitong Lunes, umabot na sa 37 ang nasawi sa trahedya, at pinangangambahang aabot ito sa isandaan.
Ang Taiwan ay may 250 kilometro lang ang layo sa Luzon. Bahagi tayo ng tinatawag na Pacific Ring of Fire, isang magkakaugnay na lokasyon ng mga bulkan at underground tectonic plates na bumubuo ng arko mula sa New Zealand, sa katimugan ng Indonesia, sa hilaga ng Pilipinas, sa Taiwan, sa Japan, sa Kamchatka Peninsula ng Russia, silangan ng Aleutian Trench, hanggang sa Alaska, kanlurang Canada, sa United States, at Mexico, Central America, hanggang sa Peru at Chile.
Nasa 90 porsiyento ng mga lindol sa mundo ay nangyari sa Ring of Fire na ito. Ang kilalang San Andreas Fault ng California ay bahagi ng ring na ito na may 452 bulkan at tuluy-tuloy na gumagalaw na tectonic plates na ang pagbabanggaan ay nagdudulot ng lindol. Ang Pilipinas ay nasa Pacific Plate, na nakikipagbanggaan sa maraming mas maliliit na tectonic plates.
Ang maliit na distansiyang ito ng dalawang islang bansa sa kanlurang arko ng Pacific Ring of Fire ay nagpapatindi sa pangamba na, kasunod ng lindol sa Taiwan, ay hindi imposibleng yanigin din ang Pilipinas. Noong Hulyo ng nakaraang taon ay nagsagawa na ang Metropolitan Manila Development Authority ng Metrowide Earthquake Drill upang ihanda ang mga residente para sa Big One, isang 7.2-magnitude na lindol na inaasahang yayanig sa Metro Manila.
Walang nakababatid kung kailan yayanig ang Big One, at ang tiyak lang ay ang malaking posibilidad na mangyayari ito anumang oras. Kaya naman pinakamainam ang maging handa—o maipaalam man lang sa mga taga-Metro Manila ang mga pangunahing dapat gawin sakaling magkaroon ng malakas na lindol. Kaya naman sa drill noong Hulyo 30, tinuruan ang publiko—partikular na ang mga mag-aaral at nagtatrabaho sa opisina—na gawin ang posisyong Drop, Cover, Hold sa loob ng 45 segundo. Pinayuhan din ang mga residente na lumikas kung kinakailangan. Ang mahalaga ay ang maging handa ang publiko at huwag matataranta.
Anim na buwan na ang nakalipas matapos ang drill na iyon. Ang pagyanig sa Taiwan ay isang napapanahong paalala sa atin na nananatili ang panganib, at isang malakas at mapaminsalang lindol ang maaaring manalasa sa atin, kaya pinakamabuti ang maging handa.