LOS ANGELES – Pinagtibay ng California State Athletic Commission ang pagbabawal sa paggamit ng IV at iba pang “extreme dehydration methods” para makaabot sa timbang ang boxer at professional fighter mula sa Mixed Martial Arts.

Naging sentro ng malawakang imbestigasyon ang naturang gawain sa MMA, ngunit sa pagpasa ng bagong regulasyon, isinama na rin ang professional boxer simula Marso 1 ng kasalukuyang taon.

Matatandaang namatay matapos kumulapsoa ng isang Chinese MMA fighter na sasabak sana sa One FC sa Manila dahil sa dehydration nang tangkaing magbawas ng timbang nang hindi makaabot sa isinagawang weigh-in.

Kontrobersyal din ang pag-amin ni undefeated world champion Floyd Mayweather, Jr. na gumamit siya ng IV bago ang laban kay Manny Pacquiao sa makasaysayang “Fight of the Century” noong Mayo sa MGM Grand sa Las Vegas.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakalusot si Mayweather dahil sa panahon iyon hindi ipinagbabawal ng Nevada State Athletic Commission ang paggamit ng IV. Nasa hurisdiksyon ng NSAC ang naturang laban nina Mayweather at Pacquiao.

Ngunit ngayon, ipinahayag ng American Boxing Commission (ABC) na mas paiigtingin ang batas sa weight-cutting rules.

Simula sa Marso 1 sa California, hindi na pahihintulutan ang paggamit ng IV at iba pang uri ng pagbabawas ng timbang para sa fighter.

Malaking suliranin sa MMA ang pagbabawas ng timbang bunsod ng kakulangan sa weight division. Sa boxing, may kabuuang 18 weight class, habang may 10 lamang sa MMA, dahilan para gumawa ang mga fighter ng pamamaraan para magbawas ng timbang.

Bukod sa California, nagpasa rin ng bagong regulasyon ang state ng Kansas at Arkansas hinggil sa “weight cutting”.

Inaasahang, yayakapin din ng Nevada State Athletic Commission ang naturang patakaran na kung masusunod ay sadyang may malaking dating para sa mga boxers, trainor at promoter.