Kritikal ngayon ang isang staff ng Commission on Elections (Comelec) matapos magbaril sa sentido sa harap ng kanyang kasintahan sa kasagsagan ng kanilang pagtatalo sa Sampaloc, Manila, nitong Lunes ng gabi.

Inoobserbahan pa rin ngayon habang nasa comatose sa United Doctors Medical Center (UDMC) si Mark Ramada, 28, residente ng 1709 Mindanao Avenue, Sampaloc.

Sa ulat ni Supt. Muanan Muarip, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, nangyari ang insidente dakong 8:15 ng gabi sa bahay ng biktima.

Nauna rito, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang biktima at kanyang kasintahan na si Ma. Juayman de Guzman kaya ipinasya ng biktima na pumasok na lang ng kanyang kuwarto.

National

32 katao naitalang naputukan; FWRI cases sa bansa, pumalo na sa 101!

Gayunman, pagsara niya sa pinto ay tinamaan sa mukha si De Guzman na sumunod pala sa kanya, kaya lalong nagalit ang babae.

Tinangka naman umano ng biktima na payapain ang nagagalit na kasintahan ngunit hindi ito tumigil kaya kinuha ng lalaki ang kanyang baril at itinutok sa sariling sentido.

“Okay, para matapos na ito,” pahayag pa umano ng biktima, sabay kalabit sa gatilyo.

Dito naman natauhan ang babae at agad na isinugod ang kasintahan sa pagamutan. (Mary Ann Santiago)