SA wakas ay nagising din ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Matagal ding nakatulog ang ahensiyang ito. Kung hindi pa namulat ang mga mata nito at matiyempuhan sa YouTube ang paekis-ekis na takbo at pagmamaneho ng patok na dyip sa kahabaan ng Maharlika highway ay hindi pa matatanggal ang muta sa mga mata ng mga tauhan ng nasabing tanggapan. Kaya nagdesisyon na ang “masipag” at aanga-angang mga pinuno nito. At ang kanilang desisyon, suspensiyon ng tatlong buwan sa prangkisa ng patok na dyip at sinuspinde na rin ang drayber.

May katwirang magulantang ang mga nagising na tauhan ng LTFRB sapagkat napanood nila mismo sa social media ang takbo ng naturang dyip na patok. Paekis-ekis, pakiwal-kiwal na animo’y ahas na pinalo kaya halos ay lamunin na nito ang mga katabing milya na nagiging dahilan na muntik-muntikang pagbangga sa mga nakakasalubong na sasakyan. Kung ikaw ay may minamanehong sasakyan at masasalubong mo ang ganitong takbo ng dyip na patok, baka tubuan ka ng nerbiyos dahil sa hindi mo malaman kung papaano ka iiwas.

Hindi lamang iyan ang “katangian” ng dyip na patok at ng mga drayber nilang katok. Bukod sa kung magsipagtakbo ay parang nabili nila ang lansangan, todo rin ang ingay nito dahil sa lakas ng tugtog. Kung nakasakay ka rito ay hindi mo malaman kung nakapasok ka sa isang videokehan na may mga lasing na nagkakantahan dahil sa ingay. Hindi ba ipinagbabawal din ang sobrang ingay sa mga sasakyang pampasahero? Ay bakit hindi hinuhuli o sinisita man lamang ang mga ito?

Karamihan sa mga drayber ay nakasando at may taling panyo sa noo na akala mo mga construction worker. Parang mga lasing o bangag. At kung minsan, kapag walang nakikitang pulis ay humihithit ng sigarilyo at ibinubuga na nasasagap ng mga pasahero sa loob.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Karamihan ng mga sakay nito ay mga estudyante na paborito ang ganitong kabilis na sasakyan. Hindi nila iniisip na kapag biglang nabangga ito ay “Adiyos Patria Adorada” na sila sa kanilang mga magulang.

Salamat at kahit na huli ay nagising din ang LTFRB sa problemang ito na matagal nang ipinagduduldulan sa kanila ay ayaw nilang pansinin. Hindi pa naman huli ang lahat. Pero sa susunod sana ay bigatan naman ang parusa sa dyip na patok at sa drayber nito na tila may mga katok.

Kahit konti ay makahihinga na nang maluwag ang mga magulang dahil maliligtas na sa panganib ang kanilang mga anak na suki ng patok na dyip, karamihan sa mga dyip na patok ay byaheng Montalban Cubao. (Rod Salandanan)