Ilang araw matapos iurong ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo, namatay si dating Ambassador Roy Señeres kahapon ng umaga, sa edad na 68.

Ayon sa anak niyang si RJ Señeres, inatake ng sakit sa puso ang kanyang ama, na agad nitong ikinamatay dakong 8:07 ng umaga.

Matagal nang dinaramdam ng kongresista ang sakit na diabetes, na ang mga komplikasyon ay naging dahilan sa pagkaka-confine niya sa ospital noong isang buwan.

Dating Ambassador to the United Arab Emirates at kasalukuyang kinatawan ng OFW Party-list sa Kamara, naghain si Señeres ng certificate of candidacy (CoC) para sa pagkapangulo.

National

Taga-Maynila, winner ng ₱107.8M sa Lotto 6/42

Nitong Biyernes lang ay binawi niya ang kandidatura “for health reasons”, at ang anak niyang si Hannah ang nagharap ng statement of withdrawal sa Commission on Elections (Comelec).

Hindi tinanggap ng poll body ang withdrawal ni Señeres dahil dapat na personal itong ihain ng kongresista.

Nakiramay naman ang Palasyo sa pagpanaw ni Señeres sa pamamagitan ni Communications Sec. Herminio Coloma.

Sinabi ni Coloma na kinikilala ng Malacañang ang pagtataguyod ni Señeres sa kapakanan ng mga manggagawa bilang tagapangulo ng NLRC at nang itinalaga ito sa Gitnang Silangan bilang Ambassador.

Kaugnay nito, sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na bilang respeto sa mambabatas ay tuluyan na nila itong tatanggalin sa official ballot.

Ang labi ni Señeres ay ibuburol sa Manila Memorial Park.

(Ben Rosario at Mary Ann Santiago)