Sasabak si Filipino Joebert Alvarez kontra Jonathan “La Bomba” Gonzalez ng Puerto Rico sa Marso 19 target ang panalo para mas mapatatag ang katayuan sa world ranking.

Ayon kay Dodong Donaire, ama at trainer ni WBO super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, nakikita niya sa alagang si Alvarez ang tapang at talento ng kanyang anak kung kaya’t kumpiyansa siya na uuwing tagumpay ang kanyang alaga na may ring record na 14-1-1, tampok ang anim na knockouts.

Sa kasalukuyan, ranked No.6 ang 24-anyos na si Gonzalez sa IBF (International Boxing Federation) at may markang 18-1-1, kabilang ang 12 knockouts. Ang tanging kabiguan nito ay nakuha via KO kay dating world champion Giovanni Segura noong August 17, 2013.

Ayon kay Donaire, huling lumaban si Gonzalez at nagwagi via split decision kontra Carlos Ruben Dario ng Argentina noong Oktubre 16, 2015. Nauna rito, nagwagi siya kay Miguel Del Valle sa rematch noong Mayo 16, 2015 sa Puerto Rico.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Matikas na amateur boxer si Gonzales na nakilala sa kanyang laban kay Olympian McWilliams Arroyo. National champion siya sa Puerto Rico noong 2008-10.

Nagtamo naman ng kabiguan si Alvarez kontra WBO/WBO flyweight champion Juan Francisco Estrada sa Sonora, Mexico noong Disyembre 6, 2014, ngunit iginiit ni Donaire na nalutong-makaw ang Pinoy.

Nakuha ni Alvarez ang bakanteng WBC Continental Americas title via unanimous 10-round decision laban kay Juan Rivera noong Abril 4, 2013 matapos makopo ang WBO Asia Pacific light flyweight Interim title via knockout sa kababayang si Jerry Domogdan.