Nanawagan si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Rafael “Raffy” Alunan III sa sambayanang Pilipino na pumili ng mahuhusay at matitinong ihahalal sa puwesto upang magkaroon ng positibong pagbabago sa bansa, at matamasa ng susunod na mga henerasyon ang pambansang kagalingan.

Pitong taong nagsilbi sa gobyerno bilang Department of Tourism (DoT) secretary ni dating Pangulong Corazon Aquino at kalihim ng DILG sa termino ni dating Pangulong Fidel Ramos, tumatakbo ngayong senador si Alunan sa layuning makatulong sa pagsusulong ng mabuting pamamahala sa bansa.

“Napag-isip-isip ko na may puwang ngayon sa liderato kaya nalugmok ang ating bansa sa maraming krisis,” ani Alunan.

“Upang mapahupa ito, layunin kong ituon ang aking panahon sa tatlong mahalagang bagay na may taglay akong malawak na karanasan: batas at kaayusan, pagpapaunlad sa ekonomiya, at pangangalaga sa kalikasan.”

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Basehan ang batas at kaayusan ng isang bansa at ng mga mamamayan nito upang mamuhay nang mapayapa at malaya. Ang maunlad na ekonomiya ang pundasyon ng ating progreso at pakikipagsabayan sa pandaigdigang kompetisyon,” paliwanag ni Alunan. “At kung walang proteksiyon ang ating kapaligiran, walang batayan ang batas at kaayusan gayundin ang pag-unlad ng ekonomiya dahil walang nasasakupan at pagkukunan na lilinangin at iingatan.” (Beth Camia)