NAGTAPOS na ang sesyon sa ika-16 na Kongreso noong Miyerkules ng gabi, Pebrero 3, bilang paghahanda sa matagal-tagal na bakasyon. Muling magbubukas, sa huling pagkakataon, ang Kongreso 30 araw matapos ang eleksiyon sa Mayo 9, para beripikahin ang boto para sa pangulo at ikalawang pangulo, at ideklara kung sino ang nanalo.
Ang pagsasara ng Kamara noong Miyerkules ay nag-iwan ng maraming mahahalagang panukalang hindi naipasa. Inaasahang maitatawid ng Kongreso ang presidential veto sa pagdadagdag ng P2,000 sa pensiyong natatanggap ngayon ng mga retiradong miyembro ng Social Security System, ngunit nagdesisyon ang mga opisyal ng Kamara na tapusin na ang sesyon bago pa magkaroon ng botohan. Kung na-override ang veto, napakalaking kahihiyan nito para sa pangulo at nangangahulugan din ito ng pagkakawatak-watak ng administrasyon.
Bilang resulta ng biglang adjournment, maraming mahahalagang bills ang naiwang nakatiwangwang, kasama na ang Salary Standardization Law na maaari sanang nagpataas sa suweldo ng mga empleyado ng gobyerno mula sa pangulo pababa. Marami pang nakabimbing panukala sa Kongreso, na inaasahan pa rin ng mga nagsulong—kahit napakaimposible na—kasama na rito ang Bangsamoro Basic Law, Freedom of Information bill, Anti-Political Dynasty bill, at Charter Change na naglalayong makahimok ng foreign investments. Sa pagsasara ng sesyon sa plenaryo noong Miyerkules, lahat ng iyan ay naisantabi, at sana naman ay maalala sa susunod na Kongreso.
Ang eleksiyon sa susunod na Kongreso—ang ika-17—ang pangunahing pinagkakaabalahan ngayon ng mga miyembro ng Kamara at ng kalahati ng mga kasapi ng Senado na kakandidato para sa re-election. Ngayong Martes, Pebrero 9, simula na ng 90-araw na pangangampanya ng lahat ng nagnanais na makakuha ng national positions.
Buong bansa ang nakatutok ngayon sa eleksiyon, ngunit sa gitna ng pangangampanya para makakuha ng boto, dapat ay nagpaplano na ang mga responsableng opisyal para sa mga programa at proyektong nasuspinde dahil sa kawalan ng aksiyon ng Kongreso o ng Ehekutibo.
Halimbawa na lamang ay ang Mindanao peace program na napakalabo; dapat itong ituloy, at itama ang mga dating pagkakamali. Ano mang pagkilos na amyendahan ang Konstitusyon ay dapat gawin agad sa simula ng susunod na administrasyon, hindi sa pagtatapos nito, dahil kaduda-dudang isinusulong lamang ito ng iilan upang mapalawig ang kanilang termino.