Umalma sa unang pagkakataon ang Philippine National Police (PNP) sa umano’y problema nila sa pagpapakain ng daan-daang preso sa iba’t ibang himpilan ng pulisya sa bansa.
Ayon kay PNP Human Rights Affairs Office (HRAO) Chief Supt. Dennis Siervo, kadalasan ay napipilitan ang ibang pulis na maglabas ng personal nilang pera para mapakain ang 1,980 preso sa bansa.
Ang nasabing mga preso ay ang mga naaresto ngunit naghihintay pa ng hatol ng korte o ililipat pa sa city o provincial jails.
Aniya, P50 lamang ang budget sa pagkain ng bawat preso kada araw, ngunit sa halos 2,000 nakakulong, gumagastos umano sila ng P100,000 araw-araw.
Bukod sa sobrang sikip na kulungan, wala rin umanong sapat na pera ang PNP para pakainin silang lahat.
Aniya, ang iba sa mga preso ay dinadalhan ng pagkain ng kanilang mga kaanak ngunit mas marami sa mga ito ang wala man lang dumadalaw.
Mas dumami pa umano ang preso noong isang taon matapos ilunsad ng pulisya ang Oplan Lambat-Sibat.
Para mabawasan ang problema, iminungkahi ni Siervo na madaliin ng judiciary ang pagdinig sa mga kaso.
Bukod sa pagkain ng mga preso, problema rin ng PNP ang kakulangan sa gasolina at diesel para magpatrulya, at allowance para sa transportasyon at pagkain ng pulis na tatayong witness sa court hearings.
Bagamat may ilang lokal na pamahalaan na nagbibigay ng ekstrang budget para sa lokal na pulisya, iilan lang umano ito. (Aaron Recuenco)