Hiniling kahapon ni dating Philippine National Police (PNP) chief Avelino Razon Jr. sa Sandiganbayan na makalabas muna siya ng kulungan upang sumailalim sa medical checkup ang kanyang kidney.
Sa kanyang mosyon sa 4th Division ng anti-graft court, idinahilan ni Razon na pinayuhan siya ng kanyang doktor na sumailalim sa CT stonogram sa loob ng dalawang araw matapos siyang ma-diagnose na nagkaroon ng kidney stone noong Nobyembre 2015.
Layunin, aniya, ng nasabing pagsusuri na matukoy kung nagkakaroon pa ng namumuong bato sa kidney ni Razon.
Iginiit niya sa hukuman na madala siya sa St. Luke’s Medical Center (SLMC) sa Quezon City mula 10:00 ng umaga hanggang 11:00 ng umaga sa Pebrero 15, 2016.
Sa nasabi ring araw, mula 2:00 hanggang 4:00 ng hapon, nais din niyang magpa-check-up sa kanyang endocrinologist dahil sa iniinda niyang diabetes.
Iginiit din ni Razon sa anti-graft court na nais niyang sumailalim sa karagdagan pang medical check-up sa kanyang urologist sa Pebrero 18, mula 10:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali.
Matatandaang pinayagan na ng hukuman si Razon na sumailalim sa CT stonogram at kidney stone removal noong Nobyembre 13-16, 2015.
Si Razon, nakakulong sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, ay nahaharap sa kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y fictitious repair at maintenance ng V-150 armored vehicles ng PNP na nagkakahalaga ng P385.48 milyon noong 2007, noong siya pa ang hepe ng PNP. - Rommel P. Tabbad