Ni Tito Talao

Naantala ang pagsagot ni San Miguel Beer Coach Leo Austria sa tawag para sa isang panayam. May dahilan ang pamosong mentor dahil nakatuon ang kanyang atensiyon sa panonood ng Super Bowl 50 kung saan nakuha ni Peyton Manning at ng Denver Broncos ang kampeonato.

“Sorry di ko agad nasagot tawag mo, tinapos ko lang yung Super Bowl,” paghingi ng paumanhin ni Austria.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Sadyang nagre-relax ang butihing Coach matapos ang nakakahapong best-of-seven championship series kung saan nagawang agawin ng Beermen ang kampeonato sa Alaska Aces na bumandera na sa 3-0 sa finals ng PBA Philippines Cup.

Tunay na kasaysayan ang nilikha ni Austria at ng Beermen sa Philippine basketball, hindi man sa mundo ng sports.

“Bilib ako sa Broncos, meron silang blitz defense na ang bilis umatake,” sambit ni Austria na hindi napigilan na ikuwento ang tatlong krusyal na turnovers ni Cam Newton ng Carolina Panthers para maitakas ng Denver Broncos ang 24-10 panalo.

Nakapagtatakang isipin na ang isang tulad ni Austria ay mahilig pa lang manood ng NFL na halos estranghero sa maraming Pinoy.

“Sa totoo lang, itong football and inspirasyon ko noong nag-umpisa akong mag-coach more than 15 years ago,” sambit ni Austria, nagsimula bilang assistant coach ng Chowking sa nabuwag na Philippine Basketball League.

“Kako ang dami-daming players sa field pero nakakalusot pa rin ang plays nila, nagagawan ng paraan sa offense,” aniya. “Sa defense naman, ang gagaling mag-tackle. Me kanya-kanyang roles sila. Iniisip ko mas mahirap na sport ito at maganda siguro kung maa-apply sa basketball yung ilang basic ng football like timing and hard work.”

Tinukoy ni Austria, dating PBA Rookie of the Year sa koponan ng Shell, na sina quarterbacks John Elway, two-time Super Bowl champion mula sa Broncos, at ang malaalamat na si Joe Montana ng San Francisco 49ers ang kanyang hinahangaan.

“Sa maniwala ka man o hindi, tapos namin matalo ng tatlong dikit, nanalo naman kami ng apat na sunod kaya umabot pa kami sa semis,” aniya. “Pero don na kami natalo sa knockout game sa Red Bull.”

Nakatutuwang isipin, ayon kay Austria, na sa pagdiriwang ng tagumpay ng Beermen sa Game 7 kasabay ang anibersaryo ng kanyang pagiging head coach noong 1999 sa koponan ng Chowking. Hindi sinasadya, nasa kabilang kampo ang kanyang dating pamosong player na si Topex Robinson bilang assistant coach ng Alaska.

“Magkasama kami ni Topex noon so many years ago,” pahayag ni Austria. “Magkasama pa rin kami sa loob ng court nitong anibersaryo ko.”