PAMPASUWERTE raw ang “ang pao”, at ang paglalagay ng pera sa pulang sobre ay nagdadala ng kaligayahan sa mga sasalubong sa Year of the Monkey.

Sa China, ang pulang sobreng may disenyong ginto ay tinatawag na yasui qian (pampigil sa multong salapi), o Lai See sa Hong Kong.

Karaniwan itong ibinibigay sa mga bata ng kanilang mga magulang, lolo at lola, at iba pang kaanak—at isang malaking kabastusan kung bubuksan sa harap ng nagbigay nito. Para sa mga Chinese, ang pula ay simbolo ng lakas, suwerte at pantaboy na rin sa masasamang espiritu.

Batay sa nakaugalian, binibigyan ng sobre ang mga bata sa mismong Chinese New Year, kaya naman inilalagay ito sa ilalim ng unan ng mga bata sa bisperas kapag tulog na sila—na hahanapin naman nila at bubuksan kinabukasan sa kanilang paggising.

Ayon sa tradisyon, kapag kumikita na ang isang tao, ito na ang oras para siya naman ang mamigay ng ang pao sa mga bata. Pero kung wala pang asawa, puwedeng hindi naman mamigay.

Hindi raw dapat mamigay ng pera nang apatan, tulad ng P4, P40, P400, P444 dahil malas ang nasabing numero—nangangahulugan ito ng kamatayan.

Noong panahon ng Qin Dynasty sa China, nilalagyan ng matatanda ng pulang sinulid ang mga barya. Ito raw ang perang pantaboy ng masasamang espiritu (yasui qian) at pinaniniwalaan ding panlaban sa sakit at kamatayan.

Napalitan ang yasui qian ng pulang sobre nang mauso ang imprenta. Sa ngayon, iniimprenta na rin ang katunog na salitang “suì” na ang ibig sabihin ay "old age" sa halip na "evil spirits"—kaya sa modernong panahon, puwedeng ipakahulugan ang ang pao bilang “money warding off old age” o pampabata.

Maraming alamat ang ang pao. Sa isang kuwento, mayroon daw isang barrio na ginugulo ng isang demonyo tuwing gabi at nambibiktima ng mga bata. Hinihipo raw ng demonyo ang noo ng bata at nagkakasakit at namamatay agad ito.

Isang mag-asawa ang nagdesisyong proteksiyunan ang kasisilang nilang anak kaya nagdasal sila sa kanilang Diyos. Nagpadala naman ang Diyos ng walong engkantada para protektahan ang sanggol. Upang maloko ang demonyo, nagpanggap ang mga engkantada na mga bilog na barya na nakalagay sa supot na pula at iniipit sa ilalim ng unan ng bata kapag gabi na. Kapag dumarating ang demonyo, agad silang lalabas ay magliliwanag kaya hindi nahihipo ng demonyo ang noo ng bata.

Kumalat ang balitang walong barya lamang na nakalagay sa supot na pula ang katapat ng demonyo kaya lahat ng bata ay ginawan nila ng maliliit na pulang supot na may lamang walong barya. Mula noon ay kinatakutan na ng demonyo ang pulang supot at walong barya, at huminto na ito sa panggugulo.

Noong una ay mga bata lamang ang binibigyan ng ang pao, ngunit nang lumaon, binibigyan na rin nito ang mga miyembro ng pamilya, kaanak at mga kaibigan, bilang pampasuwerte.