Nagpahayag ng pakikiramay ang Palasyo sa pamilya ng 14 na overseas Filipino worker (OFW) na kabilang sa mga namatay sa sunog na tumupok sa isang hotel sa Iraq nitong Biyernes.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr. na nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga opisyal ng Iraq upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktimang Pinoy.
“Lubos nating ikinalulungkot at ipinagdadalamhati ang sinapit ng ating mga kababayang nasawi sa sunog,” pahayag ni Coloma sa panayam sa radyo.
“Ang ating Charges d’ Affaires sa Iraq, si Ginoong Elmer Cato, ay kasalukuyang nasa Ebril at nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang mabatid ang mga pangalan ng mga nasawi,” dagdag ni Coloma.
Ang 14 na Pinoy ay kabilang sa 17 nasawi makaraang masunog ang Capitol Hotel sa Erbil, ang kabisera ng Kurdistan Region sa Iraq.
Tiniyak ni Coloma sa pamilya ng mga biktima na makararating sa kanila ang tulong ng gobyerno.
Hinala ng awtoridad sa Iraq na faulty electrical system ang naging sanhi ng sunog sa isang massage parlor, na katabi ng Capitol Hotel. - Genalyn D. Kabiling