Kukonsultahin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Commission on Elections (Comelec) hinggil sa mga alituntunin sa pagdaraos ng mga motorcade, miting de avance, at rally kaugnay ng eleksiyon sa Mayo 9.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, mahalagang linawin ng Comelec ang mga panuntunan kung kailangan ang permit bago magsagawa ang kandidato o political party ng mga aktibidad.
Sinabi pa niyang makaaapekto ang mga aktibidad ng pulitiko sa daloy ng trapiko kaya dapat na makipag-ugnayan sa MMDA upang makapaghanda ang ahensiya ng traffic management plan.
Sa hiwalay na report, tutulungan ng MMDA ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Comelec, at Philippine National Police (PNP) simula ngayong linggo sa gagawing “Oplan Baklas”.
Labindalawang clearing team ng pinagsama-samang tauhan ng DPWH, PNP at Comelec ang itatalaga sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila upang tanggalin ang mga ilegal na campaign poster at tarpaulin sa mga puno, poste ng kuryente, traffic signs, at iba pang mga lugar na ipinagbabawal ng Comelec at ng mga ahensiya ng gobyerno.
Inaasahan ni Carlos na marami silang makakaaway sa nasabing proyekto ngunit hindi umano sila mapipigilan ng ano mang pagtutol o harassment.
Gagamitin umano nila ang mga makukumpiskang tarpaulin sa paggawa ng mga tent na gagamitin naman ng MMDA sa operasyon nito tuwing may kalamidad. - Rizal S. Obanil