Umalis kahapon ang 28-kataong Philippine team patungong Sydney, Australia upang lumahok sa idaraos na World Baseball Classic Qualifier na gaganapin sa Pebrero 11-14.
Ayon kay Philippine Amateur Baseball Association (PABA) President Marti Esmendi, ang koponan ay binubuo ng 14 na purong Pinoy at 14 na Filipino-Americans.
Kumpara sa koponan na nabuo noong nakaraang taon, mas malakas aniya ang koponan ngayon na pangungunahan ni dating New York Yankee pitcher Clay Rapada at lima pang MLB players.
Nakatakdang makipagsapalaran ang koponan kontra sa powerhouse teams na host Australia, New Zealand at South Africa.
Magkakaroon lamang ang koponan ng dalawang araw na camp upang magamay at makilala ang isa’tisa bago sumabak sa practice game kontra South Africa sa Lunes.
Tatlong Filipino coaches na kinabibilangan nina Wilfredo Hidalgo Jr., Roel Empacis at Ruben Angeles, at tatlo ring Amerikanong coaches sa pamumuno ng Texas Rangers Single A affiliate Spokane Indians manager na si Tim Hullet ang gagabay sa koponan.
Kabilang sa mga Filipino pitcher na kasama sa koponan sina Juan Paolo Macasaet (East Asia MVP) Leslie Cabiling, Ernesto Binarao, Jonjon Robles, Vladimir Eguia at Ronnel Peralta.
Kasama rin sa team sina Chris Aguila, Adriane Bernardo, JR Bunda, Brady Conlan, Edmer Del Socorro, Eric Farris, Taylor Garrison, Austin Haynal, Romeo Jasmin, Ryan Juarez, Ferdinand Liguayan, Alfredo Olivares, Jennald Pareja, Jonash Ponce, Devon Ramirez, Kevin Vance, Matt Vance, Diaz Vermon, at Joshua Wong.
Tanging ang magkakampeon sa qualifier ang makakausad sa World Baseball Classic Tournament na gaganapin sa Marso 2017. - Marivic Awitan