nu dlsuvolley

Nakisosyo sa liderato ng men’s division ang dating kampeon National University matapos walisin ang De La Salle University, 25-23, 25-23,25-20 kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa UAAP Season 78 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Nagtapos na may 14 puntos si Philip Natividad na sinundan nina Kim Malabunga at Bryan Bagunas na may 13 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod upang pangunahan ang Bulldogs sa kanilang ikalawang sunod na panalo.

Matibay na depensa ang ibinakod ng Bulldogs, dahilan para malimitahan ang Archers sa single digit sa opensa. Bagsak ang La Salle sa 1-1 karta kasama ang Adamson at Far Eastern University.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Dahil sa panalo ay pumantay ang Bulldogs sa defending champion Ateneo sa pamumuno taglay ang malinis na kartada 2-0.

Nauna rito, hindi rin nakaporma sa season host University of the Philippines ang University of Santo Tomas , 25-17, 22-25, 25-19 25-21 sa pamumuno ni Wendell Miguel na tumapos na may 22 puntos.

Ang kabiguan ang ikalawang sunod ng Tigers na nagbaba sa kanila sa ilalim ng standings kapantay ang University of the East Red Warriors habang umangat naman ang Maroons sa 1-1 marka kasama ang Tamaraws, Green Spikers at Falcons. - Marivic Awitan