ANG pulong sa Iowa noong Lunes, Pebrero 1, ang simula ng sistema ng Amerika sa pagpili ng kandidato sa pagkapangulo. Sa pulong ng Republican Party, nanalo si Sen. Ted Cruz ng Texas sa nakuhang 28 porsiyento ng boto, na sinundan ng negosyanteng si Donald Trump na may 24%, at si Sen. Marc Rubio ng Florida, na may 23%.
Sa Democratic Party, kaunting-kaunti lang ang lamang ni dating Secretary of State Hillary Clinton kay Sen. Bernie Sanders ng Vermont.
Magkakaroong muli ng mga pagpupulong na gaganapin naman sa New Hampshire sa Pebrero 9, at susunod naman sa Nevada at South Carolina sa Pebrero 20, 23, at 27. Labing-isang estado ang magkakaroon ng konsultasyon at pagpili sa Marso 1. Kapag nagsagawa na ang dalawang partido ng national convention sa Hulyo, pipiliin na kung sino ang dapat na maging opisyal na mga kandidato ng kanilang partido. May apat na buwan sila upang mangampanya hanggang sa halalan sa Nobyembre 8, 2016.
Ibinase ang sistema ng pulitika sa Pilipinas sa sistema ng United States. Kaya naghahalal din tayo ng pangulo, ikalawang pangulo, mga senador at kongresista. Dati ay mayroon din tayong dalawang pangunahing pambansang partidong pampulitika—ang Nacionalista Party (NP) at Liberal Party (LP)—ngunit binago ng batas militar noong 1972 ang buong sistema. Nang maibalik ang demokrasya matapos ang EDSA People Power Revolution noong 1986, inakda ang bagong Saligang-Batas 1987—at nagkaroon na ng multi-party system.
Dahil wala na ang dating lakas ng NP at LP noong bago mag-Martial Law, nawalan na ng sense of loyalty ang mga pulitiko. Sa ngayon, ang mga kandidato ay pinipili na lang ng iilang lider—hindi na sa isang kombensiyon. Ang ibang kandidato ay wala nang partido—o nagtatayo ng sarili nilang partido at ipinarerehistro sa Commission on Elections.
Sa presidential elections sa Mayo 9, 2016, lima ang tatakbong pangulo ng Pilipinas. Ang ilan sa kanila ay may partido; ang ilan inampon ng ibang partido o grupo; ang iba naman ay kakaunti ang tagasunod. Ang pananalo sa eleksiyon ay hindi base sa lakas ng partido kundi sa lakas ng indibiduwal na makakuha ng atensiyon ng masa.
May isang bagay sa sistema ng halalan sa US na wala sa ating sistema. Binibigyan nila ang mga tao—ang mga botante—ng malaking tinig sa pagpili ng kandidato sa pamamagitan ng mga pagpupulong. Nililimitahan ng mga party convention ang proseso ng pagpili.
Hindi siguro natin kailangang magkaroon ng isang pangunahing sistema sa Pilipinas, ngunit malaki ang maitutulong ng party convention sa pagpapabuti sa kasalukuyang sistema ng pagpili sa andidato. Sa mga kombensiyon ay nagkakaroon ng partisipasyon ang mga leader, kabilang na ang mga lokal, at sinisiguro ang mas malawak na suporta. Mapaglalaho ang mga kandidatong may kaduda-dudang kakayahan, na inuudyukan lamang ng kanilang wala sa lugar na ambisyon.