MAKAKAASA na ang sektor ng pangisdaan sa Pilipinas na magiging globally competitive at tuluy-tuloy ang kanilang paglago sa mga susunod na taon.
Binigyang-diin ni Agriculture Secretary Proceso J. Alcala na layunin ng kagawaran na iangat ang buhay ng mga pangunahing sektor, kabilang ang mga mangingisda. Ngunit mangyayari lamang ito kung pangangalagaan ang likas na yaman ng bansa at maibabalik ang mga sinira ng tao sa kalikasan.
Naglunsad na ang Department of Agriculture Comprehensive National Fisheries Industry Development Plan (CNFIDP) 2016-2020, kabalikat ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa panahon ng pagbubukas ng National Fisheries Industry Summit sa Philippine Trade Center sa Pasay City noong Pebrero 3, 2016.
Ito umano ang katuparan ng pangako ng gobyerno na pauunlarin nila at itataas ang antas ng pamumuhay ng mga mangingisda.
Sa tulong ng agham, magkakatulong ang gobyerno, industry players at mga karaniwang mangingisda na makagawa ng paraan kung paano sila makatutulong sa isa’t isa, upang harapin ang mga hamon at problema upang mapanatili ang industriya bilang pamana sa mga susunod na henerasyon.
Ang fisheries industry plan, na nalikha lamang matapos ang napakaraming consultation-workshops sa huling bahagi ng 2015, ay naglalaman ng aquaculture, marketing, postharvest, at capture fisheries sub-sectors’ targets at action plans para sa susunod na limang taon.
Para sa capture fisheries, target ng commercial fishing stakeholders ang limang porsiyentong taunang paglago sa pamamagitan ng paghahanap ng bagong fishing grounds, habang aprubado naman ng mga mangingisda ang pagtataas ng kanilang taunang produksiyo sa isang porsiyento.
Pumayag ang aquaculture subsector na magdagdag ng produksyon sa high value species at key species, tulad ng bangus, tilapia, hipon, seaweeds at shellfish. Payag rin ang postharvest group na bawasan ang post-harvest losses mula 25% sa 15% na lamang; at ang trade and marketing naman ay nangakong dadagdagan ang bilang at halaga ng ipinagbibiling fishery products para sa merkado.
Sa ganitong paraan, nakasisiguro nang walang magiging kakulangan sa supply ng isda at shellfish sa taong ito.