BISPERAS Nagsagawa ng dragon at lion dance parade sa Ongpin Street sa Sta. Cruz, Maynila kahapon, bisperas ng Chinese New Year. Ngayong araw ang simula ng Year of the Monkey sa Chinese calendar.                          MANNY LLANES

Nina SAMUEL MEDENILLA at MARY ANN SANTIAGO

Makakakuha ng 50 porsiyentong extra pay ang mga empleyadong magtatrabaho ngayong Lunes, Pebrero 8, matapos ideklara ng Malacañang na special non-working holiday ang Chinese New Year.

Ayon kay Department of Labor and Employment (DoLE) Secretary Rosalinda Baldoz, ang “no work, no pay” scheme ay magkakabisa ngayong Lunes, “maliban kung may ibang patakaran ng kumpanya”, o may collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng kumpanya at mga empleyado.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Kung pagtatrabahuhin ang mga empleyado sa special holiday, makatatanggap sila ng karagdagang 30% ng arawang bayad sa unang walong oras at kung may overtime naman, 30% din ng kanilang hourly rate.

Dagdag pa ni Baldoz, sakaling matapat ang special holiday sa day-off ng empleyado, dapat siyang bayaran ng karagdagang 50% ng kanyang daily rate sa unang walong oras at ganoon din sa overtime.

Paalala pa ng kalihim, dapat sundin ng employer ang mga probisyon ng DoLE upang mapalakas ang moral ng kanilang mga manggagawa.

Samantala, nagpalabas ng traffic advisory ang Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ng Maynila kaugnay ng Chinese New Year Solidarity Parade sa siyudad sa unang araw ng Year of the Monkey ngayong Lunes.

Ayon kay Manila Mayor Joseph Estrada, sisimulan ang parada dakong 1:00 ng hapon mula sa Post Office patungo sa Jones Bridge, kanan sa Escolta, kaliwa sa Plaza Sta. Cruz, kaliwa sa Dasmariñas Street, kanan sa Juan Luna, kaliwa sa San Fernando, kaliwa sa Madrid, kaliwa sa Muelle dela Industrial.

Kakaliwa uli sa Muelle de Binondo, kanan sa Dasmariñas Street, kanan sa Juan Luna, kaliwa sa Plaza Cervantes, kaliwa sa Quintin Paredes, kanan sa Ongpin, kaliwa sa Plaza Sta. Cruz, kaliwa sa F. Torres, kaliwa uli sa Soler, kaliwa sa Reina Regente patungo sa Lucky Chinatown Mall.

Itinalagang parking para sa mga lalahok sa parada ang Magallanes Drive sa harap ng National Press Club hanggang sa gusali ng Bureau of Immigration.

Ayon sa MDTEU, pansamantalang ititigil ang trapiko sa mga lugar na daraanan ng parada, ngunit agad itong bubuksan kapag lumampas na ang parada.