KATULAD ng mga Kristiyano na may mga tradisyon at kaugaliang binibigyang-buhay at binibigyang-halaga, ang mga Intsik ay may tradisyon din na minana mula sa kanilang mga ninuno. Isa na rito ang “Chinese New Year”, ang pinakasikat at kilalang pagdiriwang ng mga Chinese. Naiiba ang Chinese New Year sa Bagong Taon ng mga Kristiyano. Ang Bagong Taon ng mga Kristiyano ay nakapako sa unang araw ng Enero habang paiba-iba naman ang petsa ng Chinese New Year.
Ibinabatay ang selebrasyon sa Lunar calendar na may 12 buwan na binubuo ng 28 at 30 araw. Katumbas ito ng 12 full Lunar cycle. Ang Chinese New Year ay sinisimulan tuwing unang araw ng bagong buwan o new moon pagkatapos ng taglamig. Kaya, natatapat ito mula sa huling linggo ng Enero o kalagitnaan ng Pebrero. Ngayong 2016, natapat ang Chinese New Year sa ika-9 ng Pebrero na tinatawag na Year of the Monkey. Ang Chinese New Year ay ipinahayag ni Pangulong Noynoy Aquino na special non-working holiday.
Ang Chinese New Year sa China ay tinatawag na “Spring Festival”. Ipinagdiriwang nila ito sa pagwawakas ng taglamig at simula naman ng tagsibol. Ipinagdiriwang sa buong mundo ang Chinese New Year sa mga pamayanan o komunidad na may mga nakatirang Chinese. Sa iniibig nating Pilipinas, ang sentro ng pagdiriwang ay sa Chinatown sa Maynila. Tampok lagi sa pagdiriwang ang makulay na parada, ang lion at dragon dance sa saliw ng dagundong ng mga tambol at kalansing ng mga pompiyang, ng mga paputok at iba pang uri ng pyrotechnics. Sa paniniwala ng mga Chinese, ang lion at dragon dance at mga paputok ay para sa pagtataboy ng masamang espiritu at pagsalubong sa magandang kapalaran sa Bagong Taon.
Tuwing Chinese New Year, kaugalian na ng mga Chinese na maghanda. Sila ay namimigay at nagpapadala ng “TIKOY” sa kanilang mga kaibigan, kautangan ng loob, kakilala, mga kumpale at kumale nila sa gobyerno.
Pinaniniwalaan nila na ang tikoy ay simbolo ng kasaganahan. Ang lagkit nito ay simbolo ng pagkakaisa. Sa pagdiriwang ng Chinese New Year, ang buklod at bigkis ng pamilya ay tumitibay. Maraming Pilipino, maging taga-ibang bansa, ang nakikiisa sa pagdiriwang anuman ang kanilang paniniwala, relihiyon, at sektang kinabibilangan.
Halimbawa na lamang nito ay ang pagdiriwang ng Chinese New Year sa Chinese Embassy nitong Pebrero 3 na pinangunahan ng ambassador ng China sa Pilipinas na si Zhao Jianhua. Ito ay dinaluhan nina Foreign Secretary Albert del Rosario at kanyang butihing maybahay, US Ambassador Philip Goldberg, mga diplomat, at mga negosyante. Sa mensahe ni Zhao, sinabi niya sa kanyang mga panauhin na tumulad sila sa mga unggoy. Sa Chinese zodiac, ang unggoy ay simbolo ng kasiglahan at katalinuhan. Ang matsing ay tuso at sakim. Ang ugaling unggoy ay ipinakita na ng China sa pag-angkin sa West Philippine Sea. Ngunit, naniniwala at may kasabihan tayong mga Pilipino na:”Tuso man ang matsing ay naloloko rin.” Sa mga Tsino (Chinese-Filipino) sa Pilipinas, Kung Hei Fat Choi! (Clemen Bautista)