Ni CHARINA CLARISSE L. ECHALUCE
May kabuuang 650 kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) ang naitala sa Pilipinas nitong Disyembre, kaya sa kabuuan ay pumalo sa 7,829 ang mga naitalang kaso sa bansa, iniulat ng Department of Health (DoH) kahapon.
“This was 28 percent higher compared to the same period last year, which was at 509,” saad sa ulat ng DoH, tinukoy ang naitala sa HIV/AIDS Registry of the Philippines. Sa 650, nasa 27 ang natuluyan sa AIDS, habang 46 ang namatay.
Nasa 632 kaso o 97.23 porsiyento ng mga bagong kaso ang nakuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik, karamihan ay sa kapwa lalaki, na nasa 555 kaso. Ang homosexual contact naman ang responsable sa 349 na kaso; kasunod ng bisexual contact, 206 na kaso; at 77 kaso dahil sa heterosexual contact.
Ang iba pang pinagmumulan ng impeksiyon ay ang injecting drug use (IDU) na may 17 bagong kaso; at may isang kaso ang mother-to-child transmission.
Nakapagtala ng pinakamaraming bagong kaso ng HIV nitong Disyembre sa National Capital Region, na may 250 kaso; Calabarzon, 98; Central Luzon, 62; Davao Region, 54; at Central Visayas, na may 48.
Sa 7,829 na kaso ng HIV noong 2015, 503 ang nade-develop na sa AIDS, habang 461 ang namatay dahil sa impeksiyon.
Simula nang regular na magtala ang Pilipinas ng mga kaso ng HIV noong 1984, may 30,356 na kaso na ng HIV sa bansa, kabilang ang 2,552 AIDS at 1,530 pagkamatay dahil dito.