MAGLALAAN ng $66 million ang US Congress para sa konstruksiyon ng military facilities sa Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Inihayag ito ni US Ambassador Philip Goldberg sa isang media forum noong Miyerkules. Sinabi niya na ang $66 million na ipagkakaloob sa ating bansa ay daragdagan pa ng US government para sa pagpapagawa ng mga pasilidad-militar at para sa pagpapalakas ng maritime security sa West Philippine Sea.
Tingnan ninyo, kontra nang kontra ang mga militante at makakaliwang grupo sa EDCA, pero ang iniidolo ba nilang China ay nagkakaloob ng tulong sa bansa? Wala. Sinasakop pa nga nila tayo.
Binigyang-diin ni Golberg na walang bagong military base sa ilalim ng EDCA. Taliwas sa isinisigaw ng mga maka-komunistang grupo na dadaklutin ng Estados Unidos ang soberanya ng ating bansa dahil sa EDCA, heto sila at tinutulungan pa ang ‘Pinas sa pagpapalakas ng puwersa-militar na itinuturing na pinakamahina sa buong Southeast Asia sapagkat napabayaan ng mga nagdaang pangulo ng bansa na maisulong ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Bakit ayaw tanggapin ng militant at leftists groups na ang US ay nagsosolong world power na handang tumulong sa ‘Pinas kumpara sa China na hinahangaan nila? Sa kasalukuyan, tandisang nilalabag ng China ang ating soberanya sa West Philippine Sea (South China Sea) sa pamamagitan ng pag-okupa sa mga reef at isla na saklaw ng ating teritoryo. Tanong: Tinutulungan ba tayo ng China? Hindi. Inaagaw pa nga nila ang talagang sa atin at nagtatayo pa ng artificial islands!
Talaga bang buwenas si Davao City Mayor Rodrigo Duterte? O, baka takot lang ang Commission on Elections (Comelec) sa kanya? Noong Miyerkules, buong pagkakaisang dinismiss ng Comelec 1st Division ang apat na petisyon para siya ay madiskuwalipika sa pagtakbo. Sa 50 pahinang resolusyon, tinanggihan ng Comelec ang mga petisyon nina Ruben Castor, UP Council head John Paulo de las Nieves, at ng dalawang nuisance candidate na sina Rizalito David at Elly Pamatong.
Dahil hindi tumupad na magpapasagasa sa tren kapag hindi natapos nitong 2015 ang extended LRT sa Cavite, inirekomenda ni Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate subcommittee on public services, si DoTC Sec. Joseph Emilio Aguinaldo Abaya na sampahan ng kaso dahil umano sa tuwirang pamemeke ng mga kontrata ng DoTC. Isipin ninyo, halos araw-araw ay nagkakaroon ng aberya ang MRT-3 at LRT gayong bilyun-bilyong piso ang inilaan dito. Sawa na ang mamamayan sa ipinagmamalaking “Tuwid na Daan” ng kasalukuyang administrasyon! (Bert de Guzman)