JAKARTA – Tatlong Pinoy fighter ang kabilang sa fight card na inilabas ng ONE Championship para sa gaganaping ONE: Tribe Of Warriors sa Pebrero 20 sa Istora Senayan dito.

Tampok bilang main event ang laban nina Luis “Sapo” Santos at Rafael “The Machine” Silva sa welterweight class, gayundin ang sagupaan nina Dutch mixed martial arts veteran Vincent “Magnivincent” Latoel at Kotetsu “No Face” Boku ng Japan.

“Jakarta will always be one of our favorite destinations because of its energy and passion for mixed martial arts. ONE: Tribe Of Warriors is set to bring out the best in our local and international ONE Superstars, and we’re excited to give fans another evening of electrifying mixed martial arts action,” pahayag ni ONE executive Victor Cui.

Haharapin ni Pinoy MMA star Rocky Batolbatol, dating professional boxer, si Dutch Anthony Engelen, na pamoso sa kanyang Jiu-Jitsu discipline.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Mapapalaban naman si Jimmy Yabo kontra sa beteranong si Bashir Ahmad, tanyag bilang ‘Father of Pakistani MMA’. Lubhang mabilis ang galaw ng Pakistani star kung kaya’t higit na paghahanda ang kailangan ng Pinoy fighter para maabatan ang karibal.

Inaasahan ni Yabo, dating star fighter sa URCC, na magagamit niya ang malawak na karanasan at lakas ng suntok para maisama sa kanyang mga nabiktima si Ahmad.

Tatangkain naman ni Trestle Tan, nagsasanay sa Jakarta, na makagawa ng pangalan sa premyadong MMA promotion sa Asia, sa pakikipagtuos kay Djatmiko Waluyo ng Mexico City.

Tangan ni Waluyo ang matikas na 5-0 karta, kabilang ang dalawang TKO.