Bagamat hindi pa tuluyang nareresolba ang mga isyu tungkol sa kanyang kabiguan umano na makatupad sa residency at citizenship requirements bilang kandidato sa pagkapangulo, muling nanguna ang independent bet na si Senator Grace Poe sa huling pre-electoral survey ng Pulse Asia na inilabas kahapon.

Natuklasan sa Pulso ng Bayan pre-electoral survey ng Pulse Asia na 30 porsiyento ng mga Pilipino ang napipisil na iboto si Poe bilang susunod na presidente ng bansa kung isasagawa ang eleksiyon ngayon.

Isinagawa ang nationwide survey nitong Enero 24-28 sa 1,800 botante na may biometrics.

Naungusan ni Poe si Vice President Jejomar Binay (na nakakuha ng 23 porsiyento), dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas (20%), at Davao City Mayor Rodrigo Duterte (20%), na pawang nasa ikalawang puwesto.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Pumangatlo naman si Senator Miriam Defensor-Santiago, na nakakuha ng 4% sa overall voter preference.

Ayon sa Pulse Asia, tumaas ng siyam na porsiyento ang electoral support para kay Poe nitong Enero, kumpara sa 21% na nakuha niya noong Disyembre.

Bumaba naman ng 10 porsiyento ang suporta kay Binay, mula sa 33% noong Disyembre.

Samantala, ang running mate ni Poe na si Senator Francis Escudero pa rin ang top choice for vice-president, matapos itong makakuha ng 33% sa overall voter preference, kasunod sina Sen. Ferdinand Marcos, Jr. (23%), Camarines Sur Rep. Leni Robredo (18%), Sen. Alan Peter Cayetano (14%), Sen. Gregorio Honasan (5%), at Sen. Antonio Trillanes IV (4%).

(Ellalyn B. De Vera)