KAPANALIG, nagsimula ang Jubilee Year of Mercy noong Disyembre 8, 2015. Ito ay kakaiba sa lahat ng cycle of Jubilee na nangyayari kada 25 taon sa Simbahang Katoliko. Ayon nga kay Pope Francis, ito ay “Extra Ordinary Jubilee.” Ito ay extra ordinary hindi lamang dahil labas ito sa normal na siklo ng ating mga Jubilee, kundi dahil tinutuon nito ang ating atensiyon at pananalig sa habag.
Sa ating mundo ngayon, kung saan kabi-kabila ang trahedya at problema, ang habag ay isang kaugalian na kailangang-kailangan ng marami. Madami ang nagdurusa ngayon dahil sa armed conflicts sa loob at labas ng bansa, kawalan ng disenteng trabaho at pabahay, at karalitaan. Kadalasan, dahil sa pangangailangan ng marami na maghanap-buhay, ni hindi natin napapansin ang bigat ng mga dalahin sa buhay ng ating kapwa. Kay nga’t angkop ang Jubilee Year of Mercy ngayon sa ating panahon.
Ang Jubilee Year of Mercy ay isang “revolution of tenderness.” Sa espesyal na taon na ito, tayo ay hinahamon na isabuhay ang pag-ibig at habag ng Diyos. Ayon mismo kay Pope Francis sa Misericordiae vultus, “Mercy is the very foundation of the Church’s life. All of her pastoral activity should be caught up in the tenderness she makes present to believers; nothing in her preaching and in her witness to the world can be lacking in mercy. The Church’s very credibility is seen in how she shows merciful and compassionate love.”
Isang konkretong paraan upang magawa natin ito ay sa pamamagitan ng aktuwal na pagbibigay habag at pagsasabuhay ng habag sa araw-araw. Ilan sa mga nangangailangan ng habag ay ang mga pamilyang nanlilimos sa kalsada, walang bahay;
yaong mga kariton, parke, at bangketa ang tinatawag na tahanan. Marami ring walang tahanan na hindi masyadong nakikitang nakakalat sa kalsada. Sila naman ang mga nakatira sa mga sementeryo, sa mga inabandonang bahay, at sa mga barung-barong at pinagtagpi-tagping yero at kahoy. Kapanalig, tinatayang nasa 4,000 hanggang 5,000 ang mga pamilyang walang tiarahan sa ating bansa.
Hindi limos ang kanilang kailangan, kapanalig. Hindi ganoon kalaki ang kanilang bilang upang sila ay hindi natin matulungan. Ito ay ating magagawa sa pamamagitan ng disenteng trabaho at abot kamay na tahanan. Hindi ito mabigat sa bulsa kung magtutulungan lamang ang local government at pribadong sektor. Sumainyo ang katotohanan.
(Fr. Anton Pascual)