ANG Chinese New Year ngayong Pebrero 8, na tinatawag ring Spring Festival, ay sasalubungin ngayong gabi sa buong mundo na may malalaking populasyon ng mga Chinese, kabilang ang Pilipinas. Isa itong pagkakataon para sa mga pamilya upang magdaos ng mga taunang reunion, itaboy mula sa bahay ang mga kamalasan sa buhay, at bigyang-daan ang mabuting kapalaran sa bagong taon.
Sa China, ang pinakamalaking bansa sa mundo na may populasyong 1.37 bilyon, daang-milyong manlalakbay ang bumabalik sa kanilang bayan upang muling makasama ang kani-kanilang pamilya para sa bagong taon. Karamihan sa kanila ay migranteng manggagawa na nagtatrabaho sa Special Economic Zone.
Kasama rin sa mga manlalakbay ang mga estudyante na nagsisiuwi para sa spring break—pati na ang mga Chinese mula sa Taiwan, Korea, at Southeast Asian countries. Nagsisiksikan sila sa mga tren at eroplano makauwi lamang sa kanilang mga pamilya.
Isa sa mga pinakaaabangang pangyayari sa Pilipinas ang Chinese New Year. Isa tayo sa mga bansa sa mundo na may malaking Chinese population. Kung nagdiwang na tayo ng bagong taon noong Enero 1, marami na namang pamilyang Pilipino ang magdaraos ng family bonding sa Chinese New Year.
Sakali mang may problema ngayon ang samahan ng China at Pilipinas, kaya nagdesisyon ang Pilipinas na tawagin ang dating South China Sea na West Philippine Sea, siniguro pa rin ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua sa isang pulong sa Makati noong Miyerkules, na matatag pa rin ang ugnayan ng Pilipinas at China.
Isa sa mga pangunahing trade partners ng Pilipinas ang China, na aabot ang trade volume sa unang 11 buwan ng 2015 sa $ 41.46 billion. Mahigit 400,000 Chinese ang bumibisita sa Pilipinas bilang turista noong nakaraang taon. “We should not be confused by the current and temporary difficulties,” aniya. “We are friends sharing over a thousand years of friendship and amicable exchanges.”
Nakikiisa tayo sa pagdiriwang ng Chinese New Year of the Monkey, sa pag-asang makikita natin ang mga simbolismo ng “vitality, flexibility, and intelligence.” Ang Chinese New Year ay panahon ng pagsasama-sama ng pamilya, pagsasalu-salo sa Bisperas ng Bagong Taon, paglilinis ng bahay at pagsisindi ng mga paputok upang itaboy ang masamang kapalaran, at gumawa ng paraan para makapasok ang suwerte.