COTABATO CITY – Kinukumpirma ng awtoridad ang ulat na ang labis na pangamba na wala na siyang maipapakain sa kanyang pamilya dahil sa nararanasang matinding tagtuyot ang dahilan ng pagpapakamatay ng isang magsasaka sa South Upi, Maguindanao.

Napaulat na isang linggong hindi kumain si Jimmy Sabia Takilid, 37, bago siya natagpuan nitong Pebrero 3 na nakabigti sa loob ng kanilang kubo sa Barangay Kigan, isa sa mga barangay sa South Upi na labis na naapektuhan ng tagtuyot, ayon sa mga residente.

Sinasabing labis ang naging depresyon ni Takilid sa kabiguang matiyak na may makakain ang kanyang asawa at tatlong anak. Nawalang lahat ang mga inaasahang aanihin ni Takilid dahil sa El Niño, na puminsala sa mga taniman sa 18 sa 39 na bayan sa Maguindanao.

Isinasailalim na ngayon ng lokal na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa assessment ang pamilya ni Takilid para pagkalooban ng relief services, ayon kay Lynette Estandarte, pinuno ng Maguindanao provincial medical and relief operations.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Estandarte na namahagi na nitong Biyernes ng isang truck ng bangus, na donasyon ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu mula sa palaisdaan ng gobernador, sa mga barangay ng Kigan, Kuya, at San Jose sa South Upi at tumanggap ng hanggang tatlong kilo ng bangus ang bawat residente. (Ali G. Macabalang)