Gaganapin ngayong umaga ang pinal na yugto para mapili ang mga kikilalaning miyembro ng pambansang koponan sa gaganapin na Jiu-Jitsu Federation of the Philippines (JFP) National Championships sa SM Sucat, Parañaque.

Isa sa sasabak sa aksiyon ang 9-time judo Southeast Asian Games gold medalist na si John Baylon bagama’t hindi nito tangka na mapabilang sa alinman sa mga paglalabanang kategorya ng pinakabagong miyembrong asosasyon sa ilalim ng Philippine Olympic Committee (POC).

“Isa ako sa mga coaches sa judo,” sabi ni Baylon. “Kaya lang ako magparticipate ay para matutunan ko rin ang iba pang self-defense dahil halos magkaparehas lang din naman sila pero iba-iba ang purpose,” aniya.

Isinagawa ang unang yugto ng eliminasyon nitong Enero 20 sa ginanap na Philippine Open kung saan mahigit sa 500 jiu-jitsu artist mula sa 50 club at asosasyon ang sumabak.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Matatandaan na opisyal nang kinilala bilang pinakabagong miyembro na national sports association na kabilang sa organisasyon ng POC ang jiu-jitsu.

Mismong si Philippine Sports Commission Chairman Richie Garcia ang panauhing pandangal sa pinakaunang aktibidad ng ika-53 miyembro na NSA’s sa bansa.

“This is one sports where we Filipinos are capable of winning golds,” sambit ni Garcia, tinutukoy ang tagumpay nina Annie Ramirez at Maybelline Masuda sa Asian Beach Games.

Iniluklok bilang pangulo ng asosasyon si Choi Cojuangco habang si Jason Lima ang vice-president. Itinalaga bilang secretary- general si Ferdie Agustin habang si Ghia Suarez ang treasurer.

“This tournament is actually a selection process for the members of the national team after being recognized by the POC and acknowledged by the PSC,” sabi ni Agustin. “Although, we will have a regional qualifying events in Luzon, Visayas and Mindanao to look and to discover more talents and popularized more the sports.” (angie oredo)