Ibinasura ng Makati City Regional Trial Court Branch 142 ang apela ni Sen. Antonio Trillanes IV na kanselahin ang kasong libelo na isinampa laban sa kanya ng sinibak na mayor ng Makati City na si Jejomar Erwin “Junjun” Binay.

Bukod dito, hindi rin kinatigan ng Makati RTC ang petisyon ni Trillanes na bawiin ang warrant of arrest na inilabas ng korte noong Pebrero 1 matapos makitang may “probable cause” ang libelo na kinakaharap ng senador.

Ayon kay Makati RTC Branch 142 Judge Dina Pestaño Teves, may nakabimbing petition for review sa Department of Justice (DoJ) at nilinaw na hindi maaaring aarestuhin ang senador kung agad na magpipiyansa pagbalik nito sa bansa mula sa Amerika.

Tiniyak naman ng abogado ng senador na didiretso ang kanyang kliyente sa korte upang maglagak ng P10,000 piyansa para sa libel case.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Si Trillanes ay kasalukuyang nasa Amerika para dumalo sa isang international forum.

Nag-ugat ang pagsasampa ng kaso ni Binay kay Trillanes nang akusahan ng senador ang pinatalsik na alkalde na nanuhol ng milyun-milyong piso sa mga hukom ng 6th Division ng Court of Appeals (CA) upang paboran ang hirit na temporary restraining order (TRO) kontra sa suspension order na inisyu ng Office of the Ombudsman laban sa alkalde noong 2015. (Bella Gamotea)