Naitala ng defending champion Ateneo de Manila ang ikalawang sunod na panalo nang paluhurin ang Far Eastern University, 25-18, 25-19, 25-13, kahapon sa UAAP Season 78 men’s volleyball eliminations sa Philsports Arena.

Nagsipagtala ng tig- 11 puntos sina Ysay Marasigan at Rex Intal, habang nag-ambag ng 10 puntos si reigning MVP Marck Espejo upang pagbidahan ang Ateneo sa ikalawang straight set win at solong liderato sa liga.

Kapwa nagposte ng tig-pitong hits sina Marasigan at Intal upang pangunahan ang pagpulbos ng Blue Eagles sa Tamaraws 33-20 habang nagtala ng limang service ace si Espejo at may tatlo si Marasigan.

Walang nakaiskor ng double digit para sa Tamaraws na pinamunuan ni Greg Dolor na may anim na puntos.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Dahil sa kabiguan, bumaba ang FEU sa patas na barahang 1-1, kasalo ng Adamson na nagwagi naman sa unang laro kontra University of the East, 25-18, 25-14, 25-23.

Tatlong Falcons ang umiskor ng tig-10 puntos na kinabibilangan nina Dave Pletado, Jerome Sarmiento at Bryan Saraza para manguna sa naturang panalo.

Nagtapos namang topscorer para sa Red Warriors si Edward Camposano na may game high 12 puntos. (Marivic Awitan)