Siniguro ni WBO No. 4 contender Zsolt Bedak ng Hungary na siya ang susunod na hahamon sa korona ni WBO super bantamweight champion Nonito Donaire, Jr. matapos lumagda ng kontrata.
Nakatakda ang laban sa Abril 23 sa Araneta Coliseum sa Quezon City.
“Junior featherweight titleholder Nonito Donaire will make the first title defense of his second reign against Zsolt Bedak, who returned a signed contract for the bout Thursday morning, “ pahayag ni Carl Moretti ng Top Rank Inc. sa panayam ni boxing writer Dan Rafael ng ESPN.
"It's a great opportunity for Nonito to defend his world championship in his homeland against a world-ranked and extremely capable opponent," sambit ni Moretti.
Muling natamo ni Donaire ang WBO super bantamweight crown mula sa pahirapang 12-round unanimous decision laban kay Mexican Cesar Juarez noong Disyembre 11 sa San Juan Puerto Rico.
Bagama’t umiskor si Donaire ng dalawang knockdowns kay Juarez sa 4th round, naging maaksiyon ang kabuuan ng laban at kinailangan ng Pinoy boxer ang tibay ng loob para magwagi sa puntos.
Unang natamo ni Donaire ang bakanteng WBO junior featherweight title nang pabagsakin at talunin sa puntos si dating world champion Wilfredo Vazquez Jr. noong 2012 sa San Antonio, Texas.
Si Vasquez naman ang nagpalasap ng unang pagkatalo ni Bedak via 10th round TKO noong Nobyembre 2013 sa Bayamon, Puerto Rico para sa WBO super bantamweight crown.
Nakalista rin si Bedak bilang No. 13 sa WBA rankings. Tangan ng dating Hungarian Olympian ang kartang 25-1-0, tampok ang walong knockouts.
Huli siyang lumaban at nagwagi sa puntos kay dating WBC International at African Union bantamweight titlist Nick Otienno ng Kenya noong Setyembre 19, 2015 sa Szentes, Hungary.
Handa naman si Donaire, may kartang 36-3-0, kabilang ang 23 TKO, sa naturang laban kung saan nauna na niyang naipahayag ang pagsasanay sa Cebu City. (Gilbert Espeña)