Sinimulan ng reigning 3-peat champion Ateneo de Manila ang kampanya sa impresibong 7-3 pamamayani laban sa Adamson University sa pagsisimula ng UAAP Season 78 Baseball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium.

Isang hit ni Paulo Macasaet na naghatid kina Pelos Remollo at Ryon Tantuico sa homebase ang nag-angat sa Blue Eagles, 4-2, sa fourth inning at hindi na lumingon pang muli para maangkin ang unang panalo.

Naungusan naman ng National University ang De La Salle, 8-7, sa extra inning para sa una nitong panalo.

Isang single ni Kenneth Rex Ybañez ang naghatid kay Floro Nait Jr. para makatuntong ng homeplate at nagbigay sa Bulldogs ng kalamangan sa kalagitnaan ng 10th inning na nagsilbing winning run para sa koponan sa larong inabot ng apat na oras.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nagawa namang ma-struckout ni University of Santo Tomas pitcher Lesmar Ventura ang 13 katunggali para pangunahan ang Tigers sa 5-4 panalo kontra Maroons.

Samantala sa softball, nahatak ng reigning titlist Adamson ang kanilang record winning run sa 64 kasunod ang 7-4 panalo laban sa University of the Philippines.

Nabokya naman ng NU ang UE, 6-0 para sa ikatlong sunod nilang panalo habang nanaig ang UST kontra Ateneo, 8-0 para umangat sa record na 2-1. (Marivic Awitan)