NANANATILING pinakapinapanood na TV network sa bansa ang ABS-CBN sa pagsisimula ng 2016 matapos pumalo sa national average audience share na 43% sa pinagsamang urban at rural homes kumpara sa 36% ng GMA base sa survey data ng Kantar Media.
Patuloy na namamayagpag ang mga programa ng ABS-CBN lalo na pagdating sa primetime (6PM-12MN) na nagrehistro ng average audience share na 48% nationwide kontra 33% ng kalabang network.
Nakuha rin ng ABS-CBN nitong Enero ang weekday noontime slot, matapos magtala ang It’s Showtime ng rating na 16.1% kumpara sa 15.2% ng katapat na programa. Pagdating naman sa balita, TV Patrol (28.7%) pa rin ang pinakapinagkakatiwalaan ng mas maraming Pilipino bilang news program.
Hindi pa rin matinag sa unang puwesto ng pinakapinapanood na programa sa bansa ang FPJ’s Ang Probinsyano na may average national TV rating na 39.8%, kasunod ang Pangako Sa ’Yo (31.4%) na katabla ang weekend top-raters na Maalaala Mo Kaya at Wansapanataym sa ikalawang puwesto. Pumangatlo naman ang Dance Kids (29.8%).
Nagpakitang-gilas din ang dalawang bagong programa ng Kapamilya. Sa pagbabalik sa telebisyon ng Pilipinas Got Talent, nagtala agad ito ng 26.6%, samantalang kinakakiligan naman ng manonood ang bagong seryeng Be My Lady, na nilampaso ang katapat sa rating na 18.3% laban sa 8.5%. Kinukumpleto ng Rated K (24.3%) at Home Sweetie Home (24.1%) ang Kapamilya shows sa Top 10.
Namamayagpag rin ang ABS-CBN sa ibang teritoryo tulad sa Balance Luzon na pumalo ito sa national average audience share na 45% kontra 36% ng GMA; sa Visayas sa audience share na 54% kontra 26% ng kalaban; at sa Mindanao na may 55% kontra 27%.