cray copy copy

Kanselasyon ng Olympics isinantabi ng IOC, Rio Games organizers.

RIO DE JANEIRO (AP) — Hindi natinag ang Rio de Janeiro Olympics Organizing Committee sa panawagan na kanselahin ang Olympics dahil sa pangamba sa tuluyang paglala at paglaganap ng mapanganib na Zika virus.

Sa opisyal na pahayag ni Brazil Sports Minister George Hilton nitong Huwebes (Biyernes sa Manila), hindi kabilang sa usapin sa paghahanda ng quadrennial Games ang “outbreak” ng Zika virus sa mga bansa sa Latin America, kabilang na ang Brazil.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Ikinalulungkot aniya, ang patuloy na pagkalat at pag-usbong ng mga usapin at opiniyon sa print at broadcast media na posibleng kanselahin ang Olympics na gaganapin sa kauna-unahang pagkakataon sa Latin America sa Agosto 5-20.

“The Brazilian government is fully committed to ensure that the 2016 Rio games take place in an atmosphere of security and tranquility,” pahayag ni Hilton.

Epicentro ang Brazil sa mabilis na paglaganap ng Zika virus na nagmula sa lamok at ayon sa World Health Organization, itinuturing itong “an extraordinary event and public health threat.”

Puspusan ang pagsasaliksik ng mga manggagamot at siyentipiko hinggil sa direktang epekto ng Zika virus sa pagbubuntis ng kababaihan at pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na depekto sa sanggol.

Nauna nang ipinahayag ni International Olympic Committee (IOC) President Thomas Bach na kumpiyansa siya na maisasakatuparan ang quadrennial Games sa Brazil sa itinakdang panahon. Nagbigay na rin umano ng kasiguruhan ang Rio organizers na hindi maantala ang paghahanda, higit ang kanselahin ang itinuturing na “greatest show on earth”.

Iginiit din ni Hilton, na walang iniuutos ang WHO na pagbabawal sa pagbiyahe sa Brazil, ngunit matibay ang pananaw ng ahensiya na dapat iwasan ng mga buntis ang pagbibiyahe sa mga bansang apektado ng Zika virus.

Sinabi rin ni Hilton na madaling sugpuin ang mga lamok sa panahon ng Olympics dahil sa malamig at tuyong klima sa bansa sa panahon ng torneo.

Nakadagdag sa suliranin ng Rio organizers ang Zika virus, matapos maharap sa negatibong opinion hingil sa maduming katubigan sa venue ng sailing at rowing event, gayundin ang pagbabawas ng 30 porsiyento sa US$2 bilyon operating budget.

Sa kasalukuyan, halos kalahati pa lamang ng mga ibinebentang tiket ang naibebenta at pinangangambahan ang mababang bilang ng mga turista sa araw ng Olympics.

“The 2016 Rio games will take place with full attention to the health of the participants,” paniniguro ni Hilton.

Sinabi naman ni Philippine delegation chief of mission Joey Romasanta na naghihintay lamang ang Olympics body ng abiso hinggil dito, ngunit nagpadala na umano sila ng sulat sa IOC kung saan hiniling ang pagdadala ng sariling medical team sa Rio.

Sa kasalukuyan, tanging si Fil-Am Eric Cray pa lamang ang opisyal na kabilang sa PH Team matapos itong mag-qualify sa US trial sa nakalipas na taon.