Umapela si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalataya na magkawanggawa at magpakain ng mga batang nagugutom, sa pagsisimula ng Kuwaresma sa Miyerkules (Pebrero 10).
Ayon kay Tagle, maaari itong isagawa sa pamamagitan ng ‘Fast2Feed,’ ang programang Hapag-Asa Feeding ng Pondo ng Pinoy ng Archdiocese of Manila, na nagbibigay ng supplemental feeding at early childhood education sa mga bata, gayundin ng livelihood at skills training para sa mga magulang.
Sinabi ng Cardinal na isang magandang gawain sa paggunita sa Kuwaresma ang pagtulong sa kapwa, lalo na sa mga batang nagugutom dahil sa labis na kahirapan.
Sa ilalim ng programang Fast2Feed, hinihikayat ang mga mananampalataya na mag-ayuno at ipagkaloob ang natipid na pera upang maipambili ng pagkain ng mga bata.
Maaaring ilagay ang donasyon sa mga Fast2Feed envelope na matatagpuan sa mga parokya, ialay sa Misa, iabot sa opisina ng parokya, o ideposito sa bangko.
Kasabay nito, iniulat ni Tagle na nitong nakaraang taon, ang mga natanggap nilang donasyon ay nakapagpakain ng mahigit 21,000 malnourished at undernourished na bata.
Pinagkalooban ang mga ito ng mainit at masustansiyang pagkain sa loob ng anim na buwan.
Umaapela si Tagle sa mga mananampalataya na muling tumulong sa kanilang programa, na ang target ngayong taon ay makapagpakain ng 25,000 batang nagugutom.
“It only takes P1,200 or P10 a day to bring back a hungry and malnourished child to a healthy state in six months. Let us make a difference in their lives by fasting and donating whatever we save to Hapag-Asa. Let us FAST2FEED,” panawagan ng Cardinal.
Ang Ash Wednesday ang hudyat ng pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma, kung kailan hinihikayat ang mga Katoliko na gumawa ng mabuti, mag-ayuno, manalangin at magsisi sa mga kasalanan para sa tuluyang pagbabago.
Idinagdag ni Tagle na dahil ang Kuwaresma ngayong taon ay natapat sa paggunita ng simbahan sa Jubilee of Mercy, dapat ring tumalima ang lahat sa panawagan ni Pope Francis na magpakita ng malasakit sa kapwa sa pamamagitan ng pagkakawanggawa. (Mary Ann Santiago)